Alyansa

Mga kandidato ng ‘Alyansa’ susuyuin mga botante sa Rizal

Mar Rodriguez Apr 3, 2025
33 Views

SISIMULAN ng Senate slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang buwan ng Abril ng isang malaking campaign rally sa Antipolo City, sa lalawigan ng Rizal.

Isang major show of force ang isasagawa ng ‘Alyansa’ sa Antipolo City sa Abril 4, Biyernes, sa Lalawigan ng Rizal, na siyang pang-pitong vote-rich province at nakikilala na rin bilang umaangat na political stronghold sa Luzon.

Unang campaign sortie ito ng koalisyon sa Abril, target na mas palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan ng probinsiya, na nagdeliber ng 765,019 boto para kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2022 polls – halos doble sa nakuha ng pinakamalapit nitong karibal.

Nagsisilbing krusyal na election battleground ang Rizal, na may 1.67 milyong rehistradong botante at 81.03 porsiyentong voter’s turnout rate, kaya malaki ang gagampanang papel ng probinsiya sa kahihinatnan ng paparating na midterm elections sa Mayo.

Bilang provincial capital at nag-iisang component city sa Rizal, inaasahang lalabas at dadalo ang mga taga-Antipolo sa Ynares Center upang suportahan ang ‘Alyansa’ sa pagpaparating ng kanilang mensahe ng pagkakaisa, kaunlaran at matatag na liderato.

Sinabi ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng ‘Alyansa’, ang kanilang campaign launch ngayong Abril sa Rizal ay pagpapakita ng commitment ng koalisyon na tutukan ang mga probinsiya na tumutulong sa pagdetermina sa magiging resulta ng mga national elections.

“Isang powerhouse ang Rizal. Ang paglago nito at ang dami ng mga botanteng lumalahok sa eleksiyon ay nagpapakita na kaya ng Rizal na magdetermina ng resulta ng isang national election,” wika ni Tiangco.

Sinabi pa ni Tiangco na ang diskarte sa pangangampanya ng ‘Alyansa’ ay nakabase sa performance ng mga kandidato, kaagapay ang kanilang subok na pamamahala, na nakalinya rin sa development agenda ni Pangulong Marcos.

“Ang mga kandidato ng ‘Alyansa’ ay kumikilos, nagde-deliver. Kapag inilinya mo ito sa infrastructure at economic vision ni President Bongbong Marcos, tiyak na makikita ng mga Rizaleños na hindi sayang ang suportang ipagkakaloob nila sa koalisyon,” dagdag ni Tiangco.

Bumubuo sa ‘Alyansa’ ticket sina dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Ramon Bong Revilla, Senator Pia Cayetano, dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senator Lito Lapid, dating Senador Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Francis “Tol” Tolentino, ACT-CIS Representative at dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo at si Deputy Speaker Camille Villar.

Inaasahan sa campaign rally sa Abril 4 ang province-wide mobilizations, pakikipag-ugnayan sa mga kabataan at pakikisalamuha sa mga lokal na lider ng Rizal.

Sabi pa ni Tiangco, inirerepresenta ng mga taga-Rizal ang bagong mukha ng mga botanteng Pinoy na matatalino, nagtatrabaho at sumusuporta sa mga kandidatong naghahatid ng tunay na resulta.

“Ang Rizal ay bata, mabilis ang pag-unlad at napakalaki ng potensiyal. Narito ang ‘Alyansa’ upang maglatag ng lideratong angkop sa enerhiya at ambisyon ng mga taga-Rizal,” sabi pa ni Tiangco.

Habang patuloy na umaangat ang Rizal bilang major political at economic force sa Southern Tagalog, umaasa ang ‘Alyansa’ na magsisilbi itong senyales para sa malakas at tuloy-tuloy na pangangampaya sa buong bansa sa Abril.