Edd Reyes

Mga kanyan-kanyang opinyon tungkol sa impeachment

Edd Reyes Jun 18, 2025
15 Views

NAKAKAALIW ding makinig sa huntahan ng mga ordinaryong tao na bukas ang kaisipan at kaalaman sa mainit na usapin hinggil sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

May kanya-kanya rin kasi silang opinyon sa mainit na usapin na kung lilimiin ay may katuturan din namang pakinggan kahit pa nga sabihing wala naman silang karanasan sa pag-aaral sa batas.

Nabanggit ko lang ito nang mapakinggan ko sa loob ng barberya na aking pinagpapagupitan ang palitan ng opinyon sa pagitan ng mga barbero, kanilang mga parokyano, at mga kalalakihang regular na tumatambay dito habang hinihimas ang hawak nilang panabong na manok.

Para mapasama sa usapan, nagbibigay sila ng kanya-kanyang opinyon, batay na rin sa mga napapakinggan sa radio, panonood ng balita sa teleibsyon at social media, pati na rin sa mga nababasa sa mga pahayagan.

Sa halos isang oras kong paghihintay hanggang sa matapos akong magupitan, binibilang-bilang at pinapakinggan ko kung ilan sa mga barbero, tambay, at parokyano ang pabor na ituloy ang impeachment at lumalabas na karamihan talaga sa kanila ay nais mapakinggan ang depensa ng bise presidente sa mga ibinibintang sa kanya.

Kahit hindi ako lumalahok at nagmi-miron lang sa kanilang talakayan, naiisip ko na ako rin naman ay pabor na mapakinggan ang mga sagot sa akusasyon at kung papaano ito titimbangin ng mga Senator judges.

Yung pahayag ng isa mga mga barbero ang tila may punto dahil sa paniwala niya, ayaw raw talagang maituloy ng maraming ka-alyado ni VP Sara sa Senado ang impeachment dahil kapag pinawalang sala nila ang bise presidente sa kabila ng mga matitibay na ebidensiyang nai-prisinta ng mga Tagausig, tiyak na reresbakan sila ng taumbayan sa susunod na halalan sa 2028 bukod sa wala na silang mukha na ihaharap sa tao maliban sa mga makakapal talaga ang mukha.

Programa sa Valenzuela City, dapat gayahin ng mga lokal na pamahalaan

MAHALAGA talaga ang supota ng lokal na pamahalaan upang madaling maipatupad ng kapulisan ang direktiba ni PNP Chief P/Gen. Nicolas Torre III na limang minutong pagtugon sa tawag ng mga humihingi ng tulong sa kapulisan.

Gaya na lang dito sa Valenzuela City, ipinakita ni Northern Police District (NPD) Director Josefino Ligan sa mga dumalo sa isang kaganapan kung papaano natutugunan ng Valenzuela police ng hindi lalagpas sa limang minuto ang tawag ng mamamayang humihingi ng police assistance.

Hindi scripted ang presentasyon dahil kahit sino ay puwedeng mag-boluntaryo para papuntahin sa nais nilang lugar ang kapulisan para sa police assistance at nakikita pa nga sa malaking screen ang pagresponde ng mga pulis na may dalang camera.

May nag-boluntaryo ring subukang tumawag sa emergency hot line 911 at nakita kung gaano kabilis remesponde ang pulisya sa malayong lugar na sakop ng lungsod na hindi umaabot nga limang minuto.

Aminado si Col. Ligan na malaking tulong ang ipinagkaloob sa kanila na mobile vehicles, motorsiklo, at communication equipment ni Mayor Wes Gatchalian para matugunan ang direktiba ni Gen.Torre na limang minutong pagresponde sa paghingi ng tulong ng mamamayan.

Hindi naman masamang gumaya lalu na kung epektibo ang programa kaya nanawagan si Col. Ligan sa mga alkalde ng mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, at Navotas na kanyang nasaaakupan na sana, gawin din nila ang inisyatiba ni Mayor Wes Gatchalian.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com