Valeriano

Mga ‘kapalpakan’ ng aid programs ng OVP lalo pang inilantad

Mar Rodriguez Dec 18, 2024
41 Views

LALO pang inilantad ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang ilan sa mga kapalpakan ng di-umano’y mga “aid programs” na inimplementa ng tanggapan ni Vice President Inday Sara Duterte alinsunod sa natuklasan ng Commission on Audit (COA).

Muling binigyang diin ni Valeriano, Chairman din ng House Committee on Metro Manila Development, na kaduda-duda ang iba’t-ibang aid programs ng OVP sapagkat hindi makapaglabas ang naturang tanggapan ng kanilang distribution lists.

Pagdidiin ni Valeriano na ang kawalan ng distribution lists ay nangangahulugan lamang na wala naman talagang benepisyaryo ang nakinabang sa mga aid programs ng OVP kabilang na dito ang NFA rice distribution, PabaGo program sa pamamagitan ng pamimigay ng mga school bags at dental kits para sa mga batang mag-aaral. Habang palpak din ang ipinatupad nitong MagNegosyo Ta Day program na nilaanan ng tinatayang P150 million.

“Palpak din yung MagNegosyo Ta Day program ng OVP na mayroong P150 million budget. Pero P160,000 lang ang nagastos nila. OVP does not have the expertise to do such a project. Trabaho ng Small Business Corporation kasi iyan. Hindi naman nila trabaho ang pumasok sa ganyan,” wika nito.

Bukod dito, nabatid pa sa kongresista na natuklasan din ng COA ang ilan pang kapalpakan o blunders ng OVP gaya ng Food Truck Program nito kung saan hindi nila malaman kung papaano umano nila ipapatupad ang nasabing programa.

Nauna nang inihayag ni Valeriano na maraming butas at problema ang nadiskubre ng COA patungkol sa kung papaano ipinatupad at ipinamahagi ng OVP ang kanilang iba’t-ibang aid programs.

Sabi nito na ang nasabing usapin ay lumabas sa 2023 audit report ng COA kung saan natuklasan nito na marming kaduda-duda at problema sa mga aid programs ni VP Sara.