Lacson

Mga kapus-palad na nangangarap maging doktor, makakaasa sa gobyerno ni Ping

313 Views

MAGIGING mas abot-kamay na para sa mga Pilipinong nanggaling sa maralitang pamilya, ngunit may sapat na talino at kakayahan, na tuparin ang kanilang pangarap na maging doktor kung tataya ang mga botante kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Ito ay dahil naisabatas ang ‘Doktor Para sa Bayan Law’ na panukala ng kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at plano nilang ipatupad nang maayos kung sakaling palarin silang dalawa na manalo ngayong Halalan 2022.

Ayon kay Lacson, sa pamamagitan ng batas na ito, hindi na mauulit ang pagkakasanla-sanla ng mga lupain at mahahalagang ari-arian ng mga magulang ng isang mag-aaral para lamang maigapang ang kursong medisina ng kanilang mga anak na nagnanais maging doktor.

Ang Batas Republika 11509 o ‘Doktor Para sa Bayan Act’ ay naipasa sa loob ng ika-18 Kongreso at inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 23, 2020. Ipinaalala ito ni Lacson sa mga dumalo sa kanyang town hall meeting na idinaos sa bayan ng Bangued, Abra nitong Martes (Abril 26).

“Another law passed by Senate President Sotto, ‘yung Doktor Para sa Bayan Act… Batas na ito, napirmahan na ng presidente, ‘pag gusto niyong mag-aral ng medicine o ‘yung mga anak ninyo gustong mag-aral ng medicine, libre ang matriculation libre tuition fee, pati board and lodging, may allowance pa batas na po ‘yan for your information,” paglalahad ni Lacson.

Nais ni Lacson na maging kaakibat ito ng hiwalay na polisiyang nauna nang ipinasa ng Kongreso, ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa ilalim ng Batas Republika 10931, na naglalayong bigyan ng libreng edukasyon sa kolehiyo ang mga kapus-palad na estudyante sa Pilipinas.

“Mabuti na ring alam niyo para kung meron kayong mga anak na, halimbawa, tapos ng nursing o kaya MedTech at gustong mag-doktor, libre po sa state universities and colleges (SUC). Kung walang SUC sa lugar ninyo, they can enroll sa private university, libre rin po ‘yon. Pero kung merong SUC at merong kursong medicine, pumasok doon ‘yung bata at magiging doktor nang walang gagastusin. And it’s already a law,” detalye ni Lacson.

Bukod sa libreng kurso sa medisina, kasama rin sa mga nais mapagtagumpayan ng tambalang Lacson-Sotto sakaling mahalal sila pareho bilang susunod na pangulo at pangalawang pangulo ng bansa ang bayad na on the job training o internship program ng mga estudyante.

“Kasama sa platform namin ‘yung tinatawag naming paid internship program. Undergraduates, new graduates kailangan habang nag-tri-training, nag-i-internship paid, at least to help them, ‘yung kanilang mga parents, ‘yung families nila while still studying for the undergraduates,” sabi ni Lacson.

Ikinakampanya ng tambalang Lacson-Sotto ang iba’t ibang mga adbokasiya tungo sa mas maunlad na Pilipinas ngayong Halalan 2022 gabay ang mensaheng ‘Aayusin ang Gobyerno para maging Maayos ang Buhay ng Bawat Pilipino.’

Hangarin ni Lacson na pagkalooban ng dekalidad na serbisyo mula sa gobyerno ang publiko upang makabangon sa matinding pagkalugmok na dulot ng pandemya at ang patuloy na lumalalang nakawan sa kaban ng bayan.