Kanlaon

Mga LGU malapit sa Taal, Kanlaon Volcanoes sinabihang manatiling alerto

Jun I Legaspi Oct 27, 2025
360 Views

NANAWAGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng lokal na pamahalaan (LGU) at mga residenteng malapit sa Bulkang Taal at Bulkang Kanlaon na manatiling lubos na alerto sa gitna ng nagpapatuloy na aktibidad ng mga naturang bulkan.

Matapos ang pagputok ng Bulkang Kanlaon noong Oktubre 24, nananatili sa Alert Level 2 ang status nito ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), na nangangahulugang may katamtamang pag-aalburuto at posibilidad ng karagdagang pagbuga ng abo o panandaliang pagsabog.

Pinapaalalahanan ang mga residente sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone na manatiling lumikas, habang ang mga nasa loob ng 6-kilometrong radius mula sa tuktok ng bulkan ay dapat maging mapagmatyag at handa sakaling lumala ang aktibidad ng bulkan.

“Inaatasan ang mga LGU na aktibahin ang kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMC), maghanda ng mga kagamitang pang-emergency, at tiyakin ang kaligtasan at kahandaan ng mga evacuation center. Mahigpit na hinihikayat ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa PHIVOLCS at mga kaugnay na lokal na awtoridad,” ayon sa DILG.

Sa hiwalay na abiso, inatasan din ng Kagawaran ang mga punong ehekutibo ng lokal na pamahalaan sa Batangas at Cavite na ipatupad ang mga kritikal na hakbang sa paghahanda habang nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, kasunod ng dalawang bahagyang phreatomagmatic na pagsabog sa pangunahing bunganga nito noong Oktubre 26.

Muling pinaalalahanan ng DILG ang mga LGU na mahigpit na ipagbawal ang pagpasok sa Isla ng Bulkang Taal, partikular sa Main Crater at Daang Kastila fissure. Dapat ding maghanda ang mga lokal na pamahalaan sa posibleng pagtaas ng sulfur dioxide mula sa bulkan at ipatupad ang mga tamang hakbang pangkalusugan upang maprotektahan ang mga residente. Iminumungkahi rin ang koordinasyon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Calabarzon upang matiyak ang maagap at magkakaisang mga hakbang sa paghahanda.

Pinapayuhan ang publiko na sundin ang mga hakbang pangkalusugan gaya ng pagsusuot ng N95 mask, pag-iwas sa direktang kontak ng mata sa abo, at pananatiling hydrated. Hinihikayat ang bawat sambahayan na maghanda ng emergency Go Bag na naglalaman ng tubig, pagkain, kagamitang proteksiyon, damit, first aid kit, at mahahalagang gamot.

Muling iginiit ng Kagawaran ang kahalagahan ng pagsunod sa mga opisyal na abiso mula sa PHIVOLCS, NDRRMC, at mga lokal na pamahalaan.

“Panatilihin natin ang pagiging mapagmatyag, handa, at magkaisa upang mapanatili ang kaligtasan ng ating mga pamilya at komunidad,” pahayag ng DILG.