Calendar
Mga lider ng Kamara nakiramay sa pagpanaw ni ex-Gov. Adiong
NAKIRAMAY ang mga lider ng Kamara de Representantes noong Sabado kina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, Lanao del Sur Gov. Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr. at sa pamilya Adiong sa pagpanaw ni dating Lanao del Sur Gov. Soraya Alonto Adiong noong Disyembre 27.
Sama-samang nagbigay pugay sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.; Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez; Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe; Appropriations Chairman Zaldy Co; Tingog Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre; Quad Committee Co-Chairs Reps. Robert Ace Barbers, Joseph Stephen “Caraps” Paduano, Bienvenido “Benny” Abante Jr. at Dan Fernandez; Antipolo City Rep. Romeo Acop at Bukidnon Rep. Keith Flores kay dating Gov. Adiong sa naging mabuting pamumuno nito at pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Kinilala rin ng mga lider ng Kamara ang naging mahalagang papel ng dating gobernador noong Marawi Siege kung saan nagpakita anila ito ng natatanging pamumuno at nakipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensya ng gobyerno upang maprotektahan ang mga sibilyan at kaligtasan ng kanyang constituents.
“Gov. Adiong was a true mother to Lanao del Sur, especially during its most challenging moments. Her dedication to public service brought hope and stability to her people,” sabi ng mga lider ng Kamara sa isang joint statement.
Iginiit din nila ang kanyang walang kapagurang pagbisita at pakikinig sa bawat munisipyo ng kanyang probinsya at naglapit ng gobyerno sa mga tao.
“Her compassion and strength during the Marawi Siege saved countless lives and laid the foundation for the province’s recovery,” sabi pa ng mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Si dating Gov. Adiong ay inirerespeto sa pagsusulong nito ng pagkakaisa at pagsasama-sama ng mga magkakaibang komunidad sa Lanao del Sur.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nakabangon ang kanyang probinsya na nagsilbing inspirasyon para sa mga henerasyon ng mga lider sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Gov. Adiong’s example of inclusive governance and selfless service is a guiding light for leaders, not just in Mindanao but throughout the nation,” sabi pa ng mga ito.
Sa pagdadalamhati ng Lanao del Sur, nakikiisa ang Kamara sa pagkilala at pagbibigay pugay sa mga nagawa ng pumanaw na lider, pahayag ng mga mambabatas.
“Her unwavering commitment to public service and her people’s welfare leaves an indelible mark on our nation’s history,” sabi pa ng mga ito.
“We extend our deepest sympathies to Rep. Zia Alonto Adiong, Gov. Mamintal and the entire Adiong family. Gov. Soraya Adiong’s life was a testament to the power of servant leadership. Her legacy will live on in the hearts of the people she served so faithfully,” dagdag pa nila.