BBM

Mga magsasaka sa CL binigyan ng P95M agri machinery ni PBBM

Cory Martinez Jun 30, 2025
414 Views

MAHIGIT P95.1 milyong halaga ng agricultural machinery at equipment ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga magsasaka sa Central Luzon noong Lunes.

Pinarangalan din ng Pangulo ang 43 magsasaka, mangingisda, researchers, youth advocates at mga institusyon sa seremonya sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija kaugnay ng 50th Gawad Saka Awards.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., naaayon ang mga naturang inisyatiba sa vision ng Marcos administration na mapabuti ang buhay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng modern technology at committed service.

Layunin ng mga machinery at equipment magkaroon ng transformative improvement ang sektor ng agrikultura sa naturang probinsiya na tinuturing na pangunahing rice-producing province, ayon sa kalihim.

Kabilang sa naturang package na ipinahagi ay ang Rice Processing System (RPS), na kinabibilangan ng isang rice mill at dalawang recirculating dryers na may kabuuang halagang mahigit sa P64 milyon.

Kabilang pa sa package ay ang four-wheel tractor, 16 combine harvesters at isang cultivator na may kabuuang halagang P31.1 milyon.

Makikinabang ang may 6,000 na magsasaka ng palay sa mga naturang machinery at equipment, na nagsasaka sa may 10,000 ektarya ng lupa sa Nueva Ecija.

Dahil sa mga kagamitan na ito, maaari nang maggiling ng kanilang palay, i-package ito at ibenta ang sariling ani.

Sa ganitong paraan, mapapabuti ang quality control at potensiyal ng kita habang mababawasan ang pagkalugi sa post-harvest.

Maaari namang maggiling ang multi-stage rice mill ng may dalawa hanggang tatlong tonelada ng palay kada oras samantalang ang bawat dryer ay makakapagproseso ng labing-dalawanh metriko tonelada kada batch.

Napondohan ang mga naturang makinarya sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Dagdag pa ni Tiu Laurel, magiging triple ang pondo ng RCEF sa P30 bilyon sa taong 2026 hanggang 2031 upang makapamahagi ng katulad na sistema at iba pang inputs sa ibang rice-producing provinces.

Inilunsad din ni Pangulong Marcos ang may 16 mobile soil laboratories, isa sa bawat rehiyon, na nakadisenyo para magamit ang agronomic science sa sakahan.

Simula ng pilot release nito noong Disyembre sa Region lll, nakapagsilbi ang unang lab sa may mahigit 1,500 magsasaka sa 42 munisipilidad.

Samantala, binigyan naman ng project grant at cash award mula P150,000 hanggang P3 milyon ang mga nanalo sa Gawad Saka award.