Jed

Mga magwawagi sa 7th The EDDYS pinakakaabangan

Ian F Fariñas Jun 30, 2024
113 Views

OgieSINU-SINO ang tatanghaling pinakamagagaling at karapat-dapat na magwagi sa pinakaaabangang 7th The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd)?

Nakaabang na ang lahat sa idaraos na Gabi ng Parangal para sa ika-7 edisyon ng The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice na magaganap sa July 7 sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts sa Pasay City.

Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa delayed telecast nito sa AllTV sa July 14, 10 p.m., na muling ididirek ng award-winning actor at filmmaker na si Eric Quizon.

Magiging bahagi ng 7th The EDDYS ang award-winning singer na si Jed Madela, ang kauna-unahang Filipino artist na itinanghal na World Championships of Performing Arts (WCOPA) winner.

May espesyal ding partisipasyon ang premyadong singer-songwriter at TV host na si Ogie Alcasid na siguradong tatatak sa mga manonood.

Isang pasabog na production number din ang hatid ng \drag queens na Rampa Reynas at ng promising young artists na sina Elisha Ponti at Andrea Gutierrez.

Magsisilbing host sa awards night ang itinanghal na Best Actress sa 6th EDDYS na si Janine Gutierrez (para sa pelikulang Bakit Di Mo Sabihin?) kasama ang Kapuso Millennial It Girl na sina Gabbi Garcia at movie at TV actor Jake Ejercito. Magiging red carpet host ang radio veteran host na si Mr. Fu.

Inaasahang mas magiging matindi ang labanan sa ikapitong edisyon ng The EDDYS. Magbabakbakan ang limang de-kalibreng pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at online platform nitong nagdaang taon na gumawa ng ingay at nagmarka sa mga manonood.

Ang mga nominado sa kategoryang Best Film ay ang About Us But Not About Us (The IdeaFirst Company, Octoberian Films, Quantum Films); Firefly (GMA Pictures, GMA Public Affairs); GomBurZa (Jesuit Communications, MQuest Ventures, CMB Film Services); Iti Mapukpukaw (Project 8, GMA News and Public Affairs, Terminal Six Post) at Mallari (Mentorque Productions, Clever Minds Inc.).

Nominado naman sa kategoryang Best Director sina Derick Cabrido (Mallari); Pepe Diokno (GomBurZa); Zig Dulay (Firefly); Jun Robles Lana (About Us But Not About Us); Carl Joseph Papa (Iti Mapukpukaw).

Magpapatalbugan sa pagka-best actress sina Kathryn Bernardo (A Very Good Girl); Charlie Dizon (Third World Romance); Julia Montes (Five Breakups And A Romance); Marian Rivera (Rewind); Vilma Santos (When I Met You In Tokyo); at Maricel Soriano (In His Mother’s Eyes).

Nominado naman sa Best Actor category sina Elijah Canlas (Keys to the Heart); Dingdong Dantes (Rewind); Cedrick Juan (GomBurZa); Piolo Pascual (Mallari); Alden Richards (Five Breakups And A Romance); Romnick Sarmenta (About Us But Not About Us).

Para sa kategoryang Best Supporting Actress nominado sina Dolly de Leon (Keys to the Heart); Alessandra de Rossi (Firefly); Gloria Diaz (Mallari); Gladys Reyes (Apag); at Ruby Ruiz (Langitngit).

Sa Best Supporting Actor category maglalaban-laban sina Enchong Dee (GomBurZa); Keempee de Leon (Here Comes The Groom); Nanding Josef (Oras de Peligro); Roderick Paulate (In His Mother’s Eyes); at JC Santos (Mallari).

Ang Brightlight Productions ang line producer ng awards night. Sa pakikipagtulungan ng Newport Resorts World at AllTV, kasama pa rin ng SPEEd sa pagtatanghal ng 7th The EDDYS ang Globe Telecom bilang major sponsor.

Katuwang din ng grupo ngayong taon ang Beautéderm ni Rhea-Anicoche Tan, Unilab, Frontrow, Kat Corpus Atelier, Sen. Chiz Escudero, Sen. Bong Revilla, Camille Villar, former Ilocos Sur Governor Chavit Singson, Kamiseta at ang Echo Jham Entertainment Production.

Ang annual event mula sa samahan ng mga entertainment editor sa Pilipinas ay nagbibigay-pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na “best of the best” sa Philippine cinema.

Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editor ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Salve Asis ng Pilipino Star Ngayon at Pang Masa.