Calendar

Mga mambabatas inudyok magpocus, maging displinado
SA harap ng nalalabing sesyon ng Ika-19 na Kongreso, muling nanindigan si Senador Alan Peter Cayetano na ang pokus at disiplina ang dapat manaig sa hanay ng mga mambabatas upang matiyak ang pagpasa ng mga pangunahing panukalang batas bago ang adjournment.
Sa pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Malacañang noong Mayo 29, ipinaalala ni Cayetano na may mahigpit na takdang panahon ang Kongreso—mula Hunyo 2 hanggang 11 lamang—para maisakatuparan ang mga natitirang obligasyon ng lehislatura.
“Importante today kasi we only have June 2 until June 11 theoretically,” pahayag niya sa isang Facebook livestream.
“Tapos may pending pang iba like what will the Senate do with the impeachment.”
Habang patuloy ang usapin sa posibleng impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo, iginiit ni Cayetano na hindi dapat pahintulutang maantala o maisantabi ang mga tungkuling pambatas.
“Kung magkakaroon ng impeachment trial, hindi pwedeng matigil y’ung legislative work,” aniya, na mariing binigyang-diin ang responsibilidad ng Senado na ipagpatuloy ang pagbalangkas at pagpasa ng batas.
Kabilang sa mga itinutulak na panukala ay mga reporma sa pabahay, kalusugan, at ekonomiya—lahat ay bahagi ng itinatakdang legislative agenda ng administrasyon.
Para kay Cayetano, ang mga ito ay hindi lamang administratibong layunin kundi pundasyon ng pambansang kaunlaran.
Bukod pa rito, matagal nang isinusulong ni Cayetano ang pagkakaroon ng sistematikong edukasyon sa moralidad sa mga pampublikong paaralan at tanggapan, gayundin ang pagpapalakas ng micro, small, at medium enterprises (MSMEs), na kanyang tinawag na “ugat ng katatagan sa ekonomiya at lipunan.”
Sa kanyang pagdalo sa LEDAC meeting, pinunto ni Cayetano ang kahalagahan ng tunay na diyalogo sa pagitan ng mambabatas at mga pangunahing tagapayo sa ekonomiya.
Gayunman, nagbabala rin siya laban sa pagkakulong sa pormalidad ng mga pulong na ito.
“Dapat hindi tayo natatangay sa anyo ng proseso,” giit niya. “Ang resulta pa rin ang sukatan ng trabaho.”
Habang papalapit ang pagtatapos ng sesyon, ipinaalala ni Cayetano na higit kailanman, kinakailangang maging mabilis, malinaw, at nakatuon sa pangmatagalang pananaw ang pagkilos ng mga mambabatas.