Martin1

Mga mangingisdang Pilipino poprotektahan ng gobyerno—Speaker Romualdez

Mar Rodriguez May 31, 2024
128 Views

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga mangingisdang Pilipino na ang gobyerno, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ay patuloy na magbibigay ng proteksyon sa kanila laban sa ginagawang pambu-bully ng China.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa pagdiriwang ng National Fisherfolk Day kasabay ng pahayag ng spokesperson ng Chinese foreign ministry na walang dapat na ikabahala ang Pilipinas sa plano ng China na ikulong ang mga trespasser sa loob ng 60 araw ng walang paglilitis.

Tiniyak ni Speaker Romualdez na gagawin ni Pangulong Marcos ang lahat upang maproteksyunan ang mga mangingisda sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa kasama ang Bajo de Masinloc na malapit sa Zambales at Pangasinan.

“We will use all the powers we have to keep them safe,” sabi ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Sinabi ni Speaker Romualdez na dapat tigilan ng China ang pagbabanta na ikukulong nito ang mga Pilipino na mangingisda sa loob ng EEZ.

“Our countrymen cannot be considered as trespassers. It is the Chinese and other foreigners illegally entering our maritime waters under international law who will be treated as intruders,” sabi pa ni Speaker Romualdez.