Calendar
Palace Press Officer Claire Castro
Mga nagreklamo vs VP Sara hindi kaalyado ni PBBM
NILINAW ng Malacañang na walang koneksiyon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga indibidwal na naghain ng reklamo laban kay Vice President Sara Duterte sa Office of the Ombudsman, kasunod ng mga alegasyong may bahid ng politika ang kaso.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mali ang paratang na galing sa kampo ng Pangulo ang pag-uudyok sa pagsasampa ng kaso laban sa Bise Presidente.
“The complainants are not part of the President’s political allies, instead they are, in fact, his critics. So, how could he casually tell them to file plunder and graft charges against VP Sara,” pahayag ni Castro sa isang text message sa mga reporter noong Biyernes ng gabi.
Ang pahayag ng Palasyo ay sagot sa akusasyon ng deputy spokesperson ng Partido Demokratiko Pilipino at abogadong si Ferdinand Topacio, na nagsabing may kamay umano ang administrasyong Marcos sa paghahain ng reklamo.
Giit pa ni Topacio, isa raw itong “political stunt” at senyales umano ng gobyernong “panic-stricken” na gagawin ang lahat para pigilan si Duterte na tumakbo sa pagkapangulo.
Mariing pinabulaanan ito ni Castro at binatikos ang tinawag niyang “obstructionists” na patuloy umanong naglalabas ng alegasyon laban sa Pangulo.
“It is clear that these obstructionists operate against President Marcos Jr. They will always fabricate stories to divert attention away from the corruption allegations against VP Sara,” ani Castro.
Binigyang-diin din niya na ang mga reklamong inihain laban kay Duterte ay nakabatay lamang sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, at hindi sa anumang political agenda.
Dagdag pa niya, “Are they blind, or are they simply diehard Duterte supporters? They should have checked who the complainants are in this instance.” Philippine News Agency

