Edd Reyes

Mga nakakabiglang pagtakbo ng ilang pulitiko sa Metro

Edd Reyes Oct 9, 2024
133 Views

TAPOS na ang ibinigay na panahon ng Commission on Election (Comelec) sa mga nagnanais na tumakbo sa 2025 mid-term election para makapaghain ng kanilang kandidatura pero mukhang hindi pa maka-move on ang mga botante sa nakakabiglang pagtakbo ng ilang mga pulitiko sa ilang lungsod sa Metro Manila.

Dito na lang sa Paranaque City, ginulat ni Aileen Claire Olivarez o ACO, maybahay ni Mayor Eric Olivarez, ang maraming residente at mga miron nang maghain ng kanyang kandidatura bilang alkalde ng lungsod para labanan ang bayaw na si Congressman Edwin Olivarez, habang sa Las Pinas City, magiging magkatunggali sa pagka-alkalde ang magpinsang-buo na sina April at Carlo Aguilar.

Maglalaban din sa pagka-alkalde ng Makati City sina Senator Nancy Binay at ang bayaw na si Rep. Luis Campos na asawa ni Mayor Abby Binay habang sa Pasay City ay humabol din sa paghahain ng kandidatura si Councilor Edith “Wowee” Manguerra na sanggang-dikit ni Congressman Tony Calixto, kapatid ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.

May kanya-kanyang dahilan ang mga nagpasiyang tumakbo sa pagka-alkalde kahit pa nga kadugo o hindi iba sa kanila ang kanilang magiging kalaban pero lahat ay iisa lang ang layunin, ang makapaglingkod ng tapat sa kanilang mga nasasakupan.

Siyempre, may iba’t-iba rin silang paliwanag sa kanilang naging pasiya, tulad na lang ng may-bahay ni Mayor Eric Olivarez na si ACO na umaming tutol ang kanyang asawa sa paghahain niya ng kandidatura na posibleng humantong sa tuluyang pagkasira ng kanilang relasyon.

Pero desidito talaga si ACO lalu’t sa simula pa lamang nang bigyan siya ng pagkakataong humawak ng posisyon sa lokal na pamahalaan, hindi na siya nakatanggap ng patas na pag-trato kahit pa nga siya ang tinaguriang “Unang Ginang” ng lungsod.

Sa katunayan aniya, na-etsapuwera pa nga ang kanyang pangalan sa viber group ng mga department heads at nang tanungin daw niya ang asawa, ang ikinatuwiran lang sa kanya ay yun daw ang gusto ng marami.

Pero kahit batid ni ACO na magkataliwas na ang paninindigan nila ng kanyang mister, wala siyang sinabing hindi maganda kay Mayor Eric at sa halip, pinuri pa nga niya ang asawa at sinabing hindi ito corrupt at hindi nagsamantala sa puwesto.

Sa huli, ibinulgar din ni ACO na may natatanggap siyang pagbabanta sa kanyang buhay pero wala siyang binanggit kung saan ito galing at sa tamang lugar na lang aniya niya ito isisiwalat.

Mga operator ng pergalan, susubukan ang bagong NCRPO chief

HINDI pa man nag-iinit sa kanyang upuan ang bagong upong Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) P/MGen. Sidney Sultan Hernia, pumoporma na ang mga operator ng mga ilegal na sugal sa mga itinatayong peryahan sa Kamaynilaan.

Sa katunayan, bago pala lisanin ni P/MGen. Jose Melencio Nartatez ang kanyang puwesto, may sumubok ng maglatag kaagad ng puwesto sa Caloocan City pero binutata kaagad ito ng Heneral kahit bingo pa lang at walang illegal numbers game.

Sa mahabang panahon kasi ng pamumuno ni Nartatez sa NCRPO, wala isa mang operator ng ilegal na sugal na pergalan ang nakaporma sa Metro Manila kaya kanya-kanya na silang hanap na puwesto ngayon sa pag-aakalang mag-iba ang ihip ng hangin sa panahon ni Hernia.

Matagal rin kasing naging kostumbre ang pamamayagpag ng mga pergalan sa Kamaynilaan pagsapit ng Ber months dahil sa ganitong panahon sila tumitiba kaya ngayon pa lang, nag-uunahan na sila sa paghahanap ng puwesto kahit wala pang katiyakan kung makakaporma sila.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].