Calendar
Mga nakapatay, nanggulpi sa Malabon nasakote
HAWAK na ng mga pulis ang pitong suspek, kasama ang isang babae, na umano’y nambubugbog sa dalawang biktima na ikinasawi ng isa sa follow-up operation sa Malabon City.
Unang nadakip ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan sina alyas John, 32; Ryan, 34; Emilio, 42; Arjay, 18; at Jojo, 41.
Kinilala ang mga nasilo ng mga testigo na sangkot sa pagpatay kay Cristan Jay Sevilla, 22, at malubhang nakasugat kay alyas Vincent, 25, na ngayo’y nakaratay sa San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital.
Ayon kay Col. Baybayan, nangyari ang krimen noong Biyernes ng alas-4:30 ng umaga sa Jacobe Compound, M.H. Del Pilar, Brgy. Maysilo, nang pagtulungang pagbubugbugin ng mga suspek ang dalawang biktima bunga ng umano’y matagal ng alitan.
Karamihan sa mga suspek magkakamag-anak na may iisang tirahan kaya’t naaresto agad ang lima.
Nadakip sa follow-up operation ang isa pa nilang kaanak na si alyas Rosalyn, 40, at Mark, 22.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong murder at frustrated murder sa Malabon City Prosecutor’s Office.