Calendar

Mga nakasagasa sa lola sa QC nasa kustodiya na ng pulis
NASA kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga drayber ng dalawang SUV na sangkot sa pagsagasa sa 61-anyos na lola sa kanto ng Illinois St., at Aurora Boulevard, Barangay Silangan, Quezon City, noong Sabado, Mayo 17.
Ayon kay P/Col. Randy Glenn Silvio, Deputy District Director for Administration/Officer-in-Charge ng QCPD, sa backtracking at forwardtracking operations, natukoy at na-impound ang pangalawang sasakyan na sangkot sa hit and run noong Mayo 25, bandang 2:15 ng hapon matapos itong isailalim sa flash alarm.
Ang naturang sasakyan na isang 2019 model Toyota Fortuner ay pagmamay-ari ni alyas “Kelvin,” residente ng San Mateo, Rizal na boluntaryong sumuko sa District Traffic Enforcement Unit ng QCPD.
Bandang 6:57 ng gabi noong Mayo 27, sumunod namang sumuko din sa DTEU ang may-ari ng itim na Mitsubishi Xpander na nakilalang si alyas “Teody”, na unang nakasagasa sa biktima.
Magugunitang unang sumuko agad sa QCPD, noong gabi ng Mayo 17, ang suspek na si alyas “Nomer,” 46, driver ng Mitsubishi Mirage Sedan, at residente ng Barangay 179, Caloocan City na ikatlong nakasagasa sa biktima,
Sinampahan siya ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, ngunit pansamantala siyang nakalaya matapos makapagpiyansa noong Mayo 23.
Samantala inihahanda na ang pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Violation of Article 275 (Abandonment of Person in Danger) laban sa dalawang drayber ng SUV sa Quezon City Prosecutor’s Office.