Mga nakibahagi sa fund drive, relief operation para sa biktima ng bagyong Paeng kinilala ng Kamara

151 Views

ISANG resolusyon ang pinagtibay ng Kamara de Representantes upang kilalanin at pasalamatan ang mga nagbigay ng donasyon at nagboluntaryo sa pagre-repack ng mga relief goods para sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.

Ang House Resolution 531, na pinagtibay sa sesyon, ay akda nina Speaker Martin G. Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos lll, at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre, at Quezon Rep. David Suarez.

Bukod sa pagkasira ng mga ari-arian at pagkawala ng kabuhayan, sinabi sa resolusyon na humarap din ang mga nasalanta sa iba’t ibang problema pag-alis ng bagyo.

“In addition to the harsh impact of the severe tropical storm, victims are also dealing with contaminated potable water sources, electricity supply cut, waterborne and food-borne diseases, and basic supply shortage, all while grieving for the loss of their homes, livelihood and love ones,” sabi sa resolusyon.

Pinangunahan ni Speaker Romualdez ang paghingi ng donasyon para matulungan ang mga biktima ng bagyo.

“The call for aid and assistance was promptly answered by members of the House of Representatives, officials, employees and staff from other national government agencies, volunteers, and private entities, triggering round-the-clock relief operations at the Batasang Pambansa complex,” sabi pa sa resolusyon.

Nakalikom ang Mababang Kapulungan ng P49.2 milyong cash contribution at pledges at P26 milyong in-kind donation na ipinamahagi sa iba’t ibang lugar.