Calendar
Mga negosyante hinimok na mag-online sa pag-renew ng business permit
HINIMOK ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang mga negosyante na samantalahin ang online business permit application at renewal upang makaiwas sa mahabang pila at mabilis na makuha ang business permit.
“Less than 20 minutes, nakuha na po ng isang taxpayer ang kanyang business permit. Online na po ang ating application at renewal, pati na rin ang payment sa https://online.navotas.gov.ph
Basta kumpleto ang requirements, mapapadala na agad ang electronic copy ng permit sa inyong email address,” pahayag ni Tiangco.
Nagpaalala rin ang alkalde sa mga negosyante na maghain ng kanilang aplikasyon o renewal bago ang Enero 20, 2025 na itinakdang deadline at gamitin ang online platform upang mapabilis ang transaksiyon.
Sa mga hindi pa bihasa sa paggamit ng gadgets, sinabi ni Tiangco na handa ang mga kawani ng Navotas Business One-Stop-Shop na umalalay sa kanila upang maging mabilis ang pagkuha o pag-renew lalu na’t dinesenyo ang online system para sa mabilis, episyente, at madaling transaksiyon.
Maaaring magbayad ang mga taxpayers sa pamamagitan ng Gcash, PisoPay at iba pang uri ng paraan ng legal na pagbabayad.
“Mag-online na po tayo para maiwasan ang pila at abala. Kung may mga tanong, magTXT JRT lamang o pumunta sa ating Business One-Stop Shop para kayo ay magabayan,” paliwanag pa ni Tiangco.