Valeriano

Mga paawa epek ni VP Sara wala ng epekto -Valeriano

Mar Rodriguez Nov 26, 2024
40 Views

WA-EPEK o wala ng epekto ang mga “paawa drama” ni Vice President Inday Sara Duterte.

Ito ang ibinigay na reaction ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano patungkol sa naging press conference kamakailan ni VP Sara Duterte kung saan naglitanya at nagbitaw ng malulutong na mura at pagbabanta ang Pangalawang Pangulo laban kina President Bongbong Marcos, Jr. First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin G. Romualdez.

Pagdidiin ni Valeriano na ang pinaka-layunin naman talaga ni VP Sara kaya isinagawa nito ang naturang press conference ay upang kumalap o makakuha siya ng simpatya mula sa publiko sa pamamagitan ng kaniyang mga “paawa effect” at drama. Habang ginagamit din nito ang nasabing taktika para sadyang ilihis ang isyung kinasasangkutan nito.

Paliwanag ng kongresista, umaakting o nagda-drama si VP Sara Duterte sa pamamaraan ng “paawa scenario” upang malihis ang kontrobersiyang kinasasangkutan nito hinggil sa Confidential Fund na hanggang sa kasalukuyan ay hindi parin niya naipapaliwanag ng maayos kung papaano at saan talaga nito ginastos ang P612.5 milyong pondo ng Office of the Vice President (OVP).

“Akala siguro ni VP Sara Duterte ay uubra pa ang kaniyang pambu-bully gaya ng ginawa niya dati sa sherrif sa Davao City. Namamalimos siya ngayon ng simpatya sa publiko para mailihis ang issue. Hindi niya masagot ang mga tanong kaya ang gagawin niya ay magpapaawa siya. Baka akala niya ay may epekto pa iyan? Tapos na ang kaniyang drama,” wika ni Valeriano.

Dahil dito, sinabi pa ni Valeriano na ang ipinapakitang asal ng Pangalawang Pangulo ay mistulang galawan ng mga taong paliit ng paliit na ang mundo dahil unti-unti ng nabubuking kung papaano at saan nito ginastos ang kaniyang Confidential Fund sa pamamagitan ng mga natuklasang paper trail.

“Ganyan talaga ang galawan ng mga taong paliit ng paliit ang mundo dahil nabubuking na ang kanilang kabulastugang ginawa nila sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng mga paper trail,” sabi pa nito.

Gayunman, binigyang diin pa ni Valeriano na ang batas parin ng bansa ang mananaig sa usaping ito at hindi ang pagsisiga-sigaan ni VP Sara Duterte kasunod ang pag-iiskandalo nito para nakakuha ng atensiyon mula sa publiko.