Calendar
Mga panukala na nabuo sa pag-usisa ng Quad Comm, Tricomm muling isisumite
KINUMPIRMA ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na muling ihahain ng Young Guns ang mga panukala na nabuo sa isinagawang imbestigasyon ng Tri Comm sa pagkalat ng fake news, at Quad Comm na nag-imbestiga sa konkesyon ng POGO sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.
“Ire-refile natin ‘yan. Pati na rin ‘yung mga bills na natapos na rin sa Quad ire-refile rin ng mga miyembro ng Quad para dito sa 20th Congress,” ani Adiong sa isang ambush interview kasama ang media.
Itinatag ang Tri-Comm noong nakaraang 19th Congress upang talakayin ang lumalalang problema ng online misinformation at disinformation.
Noong Hunyo, pormal na inaprubahan ng Kamara ang mga rekomendasyon nito, kabilang ang mga panukalang magbibigay kahulugan at parusa para sa mga maling impormasyong ipinapakalat online, pag-atas sa mga digital platforms at social media personalities na tumalima sa content accuracy standards at pagpapalakas ng tax compliance ng mga digital content creator.
Sinabi ni Adiong nananatiling nakatuon ang komite sa transparency at pananagutan habang hinaharap ng Pilipinas ang komplikadong digital space.
Binigyang-diin niya ito sa konteksto ng kasong cyber libel na isinampa ni Commodore Jay Tarriela laban sa DDS vlogger na si Sass Sasot na nagpapakita ng panganib ng paninirang-puri online, isa sa mga isyu na direktang kaugnay ng mga panukalang unang inilatag sa ilalim ng Tri-Comm.
“In our efforts to promote transparency, we must also ensure accountability,” ani Adiong.
“Hindi ‘yung basta-basta ka lang magsasabi ng mga issues, naglalatag ng mga impormasyon na naayon kung ano lang ‘yung bias mo at hindi naayon doon sa intention na bigyan ng tamang impormasyon ang publiko,” dagdag pa niya.
Nilalayon ng mga orihinal na rekomendasyon ng Tri-Comm na pigilan ang pagkalat ng mga hindi beripikadong pahayag na maaaring magdulot ng maling pagunawa sa konsyumer ng mga online content, makasira sa tiwala ng publiko at makapinsala sa mga indibidwal.
Tinalakay sa mga panukala ang pormal na depinisyon ng disinformation at malinformation, mga parusa sa mga lalabag, at ang obligasyon na dapat undin ng mga platform.
Samantala, noong Hunyo rin ay naglabas ng limang legislative measures ang Quad Comm matapos ang kanilang imbestigasyon sa extrajudicial killings, offshore gaming operations, identity fraud, at pinaghihinalaang espiya.
Kabilang sa mga panukalang ito ang pagturing sa extrajudicial killings bilang heinous crimes, pagbabawal sa operasyon ng POGOs, civil forfeiture ng mga ari-ariang nakuha nang ilegal ng mga dayuhan, at pagpapalakas ng customs enforcement laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad.
Para kay Adiong ang mga isyung tinutukan ng Quad Comm ay mga agarang usapin na sumasalamin sa pagkukulang sa rule of law at mga banta sa pambansang seguridad.

