Madrona

Mga panukalang batas na nagde-deklara sa iba’t-ibang lugar sa bansa bilang tourist destination isasalang na para sa plenary debate

252 Views

ININDERSO na ng House Committee on Tourism para sa itatakdang “Plenary debate” ang magkakahiwalay at magkaka-ibang panukalang batas na isinulong sa Kongreso na nagdedeklara sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas bilang mga tourist destination.

Pinangunahan mismo ng Chairman ng Tourism Committee na si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona ang pag-eendorso sa walong panukalang batas upang maitakda na ang Plenary debate sa pagbubukas ng session ng Kongreso sa Nobyembre 8.

Kabilang sa mga panukalang batas na isasalang para sa Plenary debate ay ang House Bill No. 5168 na inakda mismo ni Madrona na nagde-deklara sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o mas kilala nilang Baclaran Church bilang isang heritage site at tourist destination.

Bukod sa HB No. 5168, isasalang na rin para sa Plenary debate ang House Bill No. 5171 ni Madrona na nagdedeklara naman sa Cebu Safari and Adventure Park bilang isang tourist destination matapos itong aprubahan at pumasa sa ikalawang pagbasa.

Sinabi ng kongresista na sakaling pumasa sa Plenary debate at tuluyan ng maging batas ang mga nakasalang na panukala. Malaki aniya ang magiging pakinabang nito at makakatulong para sa mga programang kasalukuyang isinusulong ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Madrona na malaking tulong ang maiimbag ng walong panukala sakaling maging isang ganap ng batas para sa isinusulong na programa ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pamamagitan ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP).

Inihayag din ni Madrona na sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA) o budget para sa susunod na taon, mayroon aniyang alokasyon na P16.8 bilyon ang TRIP para sa construction at improvement ng lahat ng “access road” patungo sa mga lugar na idedeklarang tourist destination kabilang na ang Baclaran Church at Cebu.

“In the proposed 2023 General Appropriations Act. TRIP has an allocation of P16.8 billion for the construction or improvement of access roads leading to declared tourist attraction,” sabi ni Madrona.