Calendar

Mga Pinoy huwag magpaloko sa malaking suweldo, babala ni Oducado
NAGBABALA si incoming 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado sa mga Pilipinong nagnanais maging Overseas Filipino Workers (OFWs) na mag-ingat sa mga illegal recruiters na nag-aalok ng napakalaking suweldo sa abroad.
Ang ibinigay na babala ng baguhang kongresista ay alinsunod sa ulat ng Bureau of Immigration (BI) patungkol sa tatlong Pilipino mula sa Cambodia na nalinlang o sinilaw ng mga illegal recuiters sa pamamagitan ng pag-aalok ng napakalaking sahod.
Binigyang diin ni Oducado na ang pag-recruit sa tatlong Pilipino ay dapat magsilbing babala para sa iba pang mga kababayan natin na nag-aambisyong maging OFW na huwag magpaloko at magpalinlang sa mga matatamis na pangako ng mga illegal recruiters.
Sinabi ni Oducado na hindi na mabilang sa daliri ang kaso ng mga OFWs na naging biktima ng mga illegal recruiters kung saan ilan sa mga Pilipinong Migrante ang napapawira ang buhay sa ibang bansa habang ang iba naman ay dumaranas ng pagma-maltrato.
Ikinababahala din nito ang napa-ulat na kalakaran kung saan ang mga naging biktima ng illegal recruitment ay napipilitang manloko ng mga kapwa Pilipino sa pamamaraan ng pekeng online investment scam na nagiging trabaho nila sa ibang bansa.
Ipinaliwanag ni Oducado na pinapangakuan ang mga Pilipino ng magandang trabaho at malaking sahod subalit pagdating nila sa bansang papasukan nila. Ito aniya ay malayo sa ipinangako ng isang illegal recruiter dahil sila ay napipiling pumasok sa illegal na gawain kagaya ng online scamming at iba pang kahalintulad nito.
Dahil dito, hinihikayat ng Party List solon ang mga Pilipino na mag-ingat sa mga panlilinlang ng mga illegal recruiters kasunod ang pagdulog sa Cybercrime investigation para agad na mai-report ang mga kahina-hinalang aktibidades sa online.
Nauna rito, iginiit ni Oducado na dapat magkaroon ng mas malakas at maigting na kampanya ang gobyerno laban sa organisadong sindikato ng illegal recruitment at human trafficking.