Calendar
Mga Pinoy sa Iran kailangan ng tulong–Sen. Kiko
NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan na umaksyon agad kasunod ng pag-atake ng US at Israel sa Iran at iginiit ang pangangailangang protektahan ang mga Pilipino sa Middle East at maibsan ang epekto ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
“Sa pag-atake ni US President Trump sa Iran, may mga kagyat na kailangang gawin ang pamahalaan, lalong-lalo na ang mga embahada natin sa Middle East,” sabi ni Pangilinan.
Hinimok niya ang pagpapatupad ng crisis protocol para sa dalawang milyong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan doon, kabilang na ang mga 1,000 na nasa Iran.”
Binigyang-diin din ng senador ang inaasahang pagsirit ng presyo ng krudo at nanawagan ng agarang ayuda.
“Dito sa atin, dahil tiyak ang pagtaas ng presyo ng krudo, kailangang maipatupad agad-agad ang fuel subsidy sa mga tsuper ng tricycle, dyip, at bus, at gayundin sa mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang mga traktora at bangka,” aniya.
Iginiit din niya ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa diesel at kerosene.

