Valeriano1

Mga pulis na sangkot sa war-on-drugs campaign, mistulang ipinahamak ni dating Pangulong Duterte

Mar Rodriguez Nov 12, 2024
64 Views

MISTULANG ipinahamak lamang ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos itong mabigong tuparin ang kaniyang pangako na poprotektahan at tutulungan nito ang mga pulis na masasangkot sa madugo at brutal na “war-on-drugs” campaign ng kaniyang nagdaang administrasyon.

Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na dahil hindi nagawang pangalagaan at maipagtanggol ng dating Pangulo ang mga pulis na nasangkot sa inilunsad nitong war-on-drugs campaign lumalabas lamang na “drawing” ang mga dating pahayag nito.

Ayon kay Valeriano, hindi kaila sa publiko na hayagan ang mga binitiwang salita ni dating Pangulong Duterte na ipagtatanggol at po-protektahan nito ang mga pulis na makakapatay ng mga drug addict at drug users. Kung saan, ininstigahan pa nito ang mga pulis na udyukan ang mga adik at tulak na lumaban.

Ang naging pahayag naman ni Valeriano ay patungkol sa ibinigay na sentimyento ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na hindi natupad ni Duterte ang kaniyang pangako o commitment na ipagtatanggol nito ang mga apektadong PNP personnel o ang mga pulis na sangkot sa mga naganap na pagpatay.

Sabi ng kongresista na bunsod ng pangyayaring ito lumalabad lamang aniya na mistulang ipinamahak ni Duterte ang mga nasangkot na pulis dahil sila ang kasalukuyang naiipit sa pamamagitan ng mga kasong posibleng kaharapin nila dahil sa pagsunod nila sa utos ng dating Pangulo.

Pagdidiin ni Valeriano na ang laging sinasabi dati ni Duterte na siya ang bahala sa mga pulis na makakapatay ng mga drug addict at drug users. Subalit sa kasalukuyan, ang mga pulis na nasangkot sa mga naganap na pagpatay ang kawawa naman ngayon dahil sa kasong maaaring kaharapin nila.