Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Mga repormang ipinatupad ni PBBM nagbunga ng pagbaba ng presyo ng bigas — Speaker Romualdez

16 Views

NANINIWALA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na bumabagal ang inflation rate sa bansa dulot ng mga reporma na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na nagpababa sa presyo ng pagkain, partikular ng bigas.

“Ang pagbaba ng inflation sa 1.4 percent ngayong Abril ay isang konkretong patunay na ang mga hakbang ng pamahalaan ay may tunay na epekto sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino,” ani Speaker Romualdez.

“Ipinapakita ng numerong ito na mas kontrolado na ang presyo ng mga pangunahing bilihin—mula sa bigas, gulay, at karne, hanggang sa kuryente at pamasahe. Ibig sabihin, mas abot-kaya na ang pang-araw-araw na gastusin, at mas lumalawak ang kakayahan ng bawat pamilyang Pilipino na mapagkasya ang kanilang kita,” saad pa niya.

Ayon sa lider ng Kamara na mayroong 306 kinatawan, inaasahan na ang pagbaba ng inflation at hindi ito tsamba lang.

“Hindi ito basta resulta ng suwerte. Ito ay bunga ng malinaw na direksyon at matatag na pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama ang buong Kongreso na katuwang niya sa pagpasa ng mga reporma at batas na layuning palakasin ang ekonomiya, ibaba ang presyo ng bilihin, at lumikha ng mas maraming trabaho,” diin ni Speaker Romualdez.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang pagbagal ng inflation rate noong Abril ay dulot ng mas mababang presyo ng bigas at iba pang pangunahing pagkain.

“Pinabilis natin ang pagdating ng mas murang pagkain sa merkado, binuksan natin ang mga oportunidad para sa negosyo at pamumuhunan, at tiniyak nating hindi iiwanan ang mga maliliit na negosyante at manggagawa sa ating pag-unlad,” ani Romualdez.

“Ngayon, unti-unti na nating nararamdaman ang bunga ng mga repormang ito. Hindi na lamang ito datos sa papel—ito’y ginhawa sa palengke, dagdag-kaya sa bulsa, at pag-asa sa bawat tahanan,” wika niya.

Nangako si Speaker Romualdez na siya at ang Kamara ay patuloy na susuporta kay Pangulong Marcos Jr. para mapanatiling mababa ang presyo ng pagkain at patuloy na lumago ang ekonomiya ng bansa.

“Bilang lider ng Mababang Kapulungan, mananatili tayong tapat sa ating tungkulin: ang tiyakin na ang bawat batas na ipinapasa natin ay may direktang benepisyo sa mamamayan. Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, ang ating pangarap ay hindi lang paglago ng ekonomiya, kundi ang pag-asenso ng bawat Pilipino,” ani Romualdez.

Ipinunto ni Speaker Romualdez na mula Enero ngayong taon, tuloy-tuloy ang naitatalang pagbagal ng inflation rate mula sa 2.9 porsiyento, pababa sa 2.1 porsiyento noong Pebrero, 1.9 porsiyento noong Marso at 1.4 porsiyento nitong nakalipas na buwan.

“As I have repeatedly stated, the continuing challenge is for us to ensure that the inflation rate remains low. That will mean that rice and other food items will continue to be affordable,” saad ni Speaker Romualdez.