LRT Source: Light Rail Manila Corp. file photo

Mga sekyu nagulat sa nakitang bangkay sa LRT station

20 Views

NAGULANTANG ang mga security guard ng matagpuan ang bangkay ng grade 11 student sa entrance ng Light Rail Transit (LRT) station sa Quezon City noong Lunes.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-4:16 ng umaga natagpuan ang duguan at nakahandusay na 17-anyos na binatilyo malapit sa entrance ng LRT sa Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Nestor V Ariz Jr., nasa dining area malapit sa mechanical area ng LRT station ang mga security guard nang makarinig sila ng malakas na lagabog.

Inalam ng mga guwardiya kung ano ang kumalabog at doon nakita nila ang biktima na duguang nakahandusay at patay wala na.

Inireport nila ang insidente sa mga awtoridad para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.

Dumating ang Scene of the Crime Operative team sa pangunguna ni P/Maj. Joseph Inane at nasamsam sa bintana ng pasilyo ng ika-41 palapag ng gusali ng condo ang isang kutsilyo.

Lumabas sa cursory examination sa bangkay ng biktima na nagtamo ito ng maraming bali ng buto, sugat at gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.