Risa

Mga senador kinondena panggigipit ng Tsina sa WPS

46 Views

NAGKAISA ang mga senador sa pagkondena sa tumitinding mga panggigipit ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS), kung saan ay nanawagan sila para sa mas matibay na hakbangin upang protektahan ang soberanya ng bansa at maipakita ang mga karapatan ng mga Pilipino sa sariling karagatan. Ito’y kasunod ng mga ulat ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na nagpapatrolya sa rehiyon.

Nanawagan si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros na palakasin ang mga legal na hakbangin laban sa Tsina, kabilang ang paghahain ng kaso sa mga pandaigdigang hukuman. “They’re pushing too far. It’s time to bring them to justice through legal means,” aniya, na binigyang-diin ang pangangailangang igiit ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa malawakang pag-angkin ng Tsina sa South China Sea.

Binigyang-diin naman ni Senate President Francis Chiz Escudero ang kahalagahan ng pagpapalakas ng depensa nang bansa kasabay ng pagsusulong ng diplomatikong pakikipag-usap.

Ipinahayag ni Senador Jinggoy Estrada ang pagkabahala sa ipinakikitang agresibong aksyon ng Tsina laban sa Piliino kung saan ay sinabi rin niya na isa itong malinaw na pananakot. Nanawagan siya sa pamahalaan na palakasin ang depensa at magpatupad ng mga estratehiya upang mapangalagaan ang mga pwersa ng gobyerno at mangingisdang Pilipino sa ating sariling karagatan. “We cannot allow this continued violation of international law and harassment of our vessels,” ani Estrada.

Binatikos naman ni Senador Juan Miguel Zubiri ang mga insidente, tinawag ang mga ito bilang “uncivilized and shameless.” Hinimok niya ang pamahalaan na magpatibay ng paninindigan sa pagtatanggol ng soberanya ng teritoryo. “These actions disrespect international law and our sovereignty as a nation,” ani Zubiri.

Ayon sa mga ulat, patuloy na pangha-harass sa WPS ay nagdudulot ng malaking panganib sa soberanya ng Pilipinas at sa kakayahang ipagtanggol ang karapatan nito sa karagatan. Binibigyang-diin ng mga eksperto ang pangangailangan ng maselang balanse sa pagitan ng pagpapanatili ng diplomatikong ugnayan at pagtaguyod ng karapatan sa teritoryo, lalo na sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Ang mga agresibong taktika ng Tsina sa WPS ay lubhang nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino at nagdulot ng mas mataas na antas ng seguridad sa mga baybaying komunidad.

Nagkakaisa ang mga senador sa pangangailangan ng agarang aksyon laban sa pang-aabuso ng Tsina. Habang binubuo ng pamahalaan ang tugon nito, nananatiling hamon ang pagpapanatili ng kapayapaan kasabay ng pangangalaga sa soberanya ng bansa.