Mga senador nagpaalam na sa Senado sa pagtatapos ng 18th Congress

270 Views

MAKABAGBAG damdamin ang ginawang pamamaalam ng ilan sa mga senador na tapos na ang termino sa pagtatapos ng 18th Congress kamakailan lamang.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, ang 18th Congress na kanyang pinagsilbihan bilang pangulo ng Senado ay lubos na makahulugan dahil umano sa paghamon na hinarap ng bansa sa panahon ng pandemya.

Si Sotto na naglingkod ng 24 years sa Senado ay lubos na nagpasalamat sa kaniyang mga kasama sa lahat ng empleyado ng Senado at sa sambayanang Pilipino na aniya ay nagluklok sa kanya at nagbigay tiwala sa kanyang kakayahan.

Ani Sotto, taas noo niyang iiwan ang kanyang posisyon dahil umano hindi siya nagpayaman o sinamantala man lang ang posisyon na pinahiram sa kanya ng taong bayan.

Bagkus aniya ay sinuklian niya ang tiwala na ito ng tapat na paglilingkod para sa taumbayan na kanyang pinagkakautangan.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na lubos siyang nagpapasalamat sa maraming panahon na pinagkatiwalaan siya ng taong bayan kung saan ay apat na beses siyang umupo bilang pangulo na Senado.

Ayon kay Drilon, bagamat nalulungkot siya sa pamamaalam na gagawin ay lubos naman aniya ang kaniyang kasiyahan dahil sa napakaraming batas na kaniyang naisakatuparan at naipasa sa Kongreso upang makatulong sa maraming kababayan natin sa ibat ibang uri ng pamamaraan.

Para naman kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang 30 taun na paglilingkod niya na nakadagdag din aniya sa kanyang 30 lbs na timbang ay parte na kanyang buhay na hindi niya kailanman malilimutan.

Pinasalamatan ni Recto isa isa ang lahat ng mga kasama sa Senado na tumulong sa kanya upang magawa nila at matapos ang maraming batas na dapat aniyang madaliin at bigyan prioridad lalo sa panahon ng kainitan ng pandemic.

Ani Recto, nakita niya ang ibat-ibang mukha ng kabayanihan sa kanyang mga kasama at ipinagmamalaki niya na naging parte ng buhay niya ang Senado na humubog sa kanyang pagkatao.

Gayunman, pabiro niyang sinabing masayang siyang uuwi sa kanyang maybahay ngayon tapos na aniya ang kanyang tungkulin bilang halal ng sambayanan.