Martin

Mga solon, BPI officials pinulong ni Speaker Romualdez para balangkasin polisiya laban sa sibuyas kartel

116 Views

PINULONG ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang ilang matataas na lider ng Kamara de Representantes at mga opisyal ng Bureau of Plant Industry (BPI) upang balangkasin ang polisiya upang mapuksa ang kartel na responsable sa labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas noong nakaraang taon.

Bukod sa mga sangkot sa kartel, binalaan ni Speaker Romualdez ang mga negosyante na maparurusahan din kung magiging mapagsamantala sa mga kustomer.

“Those who are part of the solution we will help; those who are part of the problem, we will not tolerate. We will go after them and make the proper recommendation for prosecution,” ani Speaker Romualdez.

Si Speaker Romualdez ang nagpatawag ng congressional investigation noong Disyembre 2022 matapos na umabot sa P700 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas.

Kasama sa pagpupulong sina Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, chairman ng House Committee on Agriculture and Food na siyang nagsagawa ng pagdinig, at Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo na nakagawa ng matrix upang matukoy ang mga personalidad at mga kompanya na nasa likod ng kartel.

Dumalo rin sa pagpupulong sina House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at Rizal 1st District Rep. Michael John Duavit, at mga opisyal ng BPI sa pangunguna ni Director Gerald Glenn Panganiban.

Sinabi ni Speaker Romualdez na natutuwa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture (DA), sa mga hakbang na ginagawa ng Kamara laban sa kartel ng sibuyas at partikular na kinilala ang nagawa ni Quimbo.

“At least he knows that we are helping him as Secretary of Agriculture in stamping out these malpractices,” sabi ni Speaker Romualdez.

Sa pagpupulong ay sinabi rin ni Director Panganiban na magsusumite ito kay Speaker Romualdez ngayong linggo ng mga reporma sa polisiya na gagawin ng BPI upang maiwasan ang manipulasyon ng presyo ng sibuyas.

Kasama umano sa nirerepaso ng BPI ang pagbubukas ng importasyon ng sibuyas para sa lahat upang maiwasan ang pagkontrol dito ng iilang kompanya at inbidiwal, pagtulong sa mga magsasaka upang dumami ang lokal na produksyon, suspensyon ng pag-angkat kapag panahon ng anihan, at pagsuri sa ipinapataw na buwis sa imported na sibuyas upang maproteksyunan ang mga lokal na magsasaka.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na paramihin ang lokal na produksyon upang mabawasan ang pangangailangan na mag-angkat.

Pinag-aaralan din umano ng BPI ang paggamit ng mga bakanteng lupa ng Bureau of Corrections upang pagtaniman ng sibuyas.

Iminungkahi naman ni Co ang paggamit ng fertigation o pagbibigay ng pataba sa pananim sa pamamagitan ng irigasyon upang dumami ang produksyon.

Isang panukala naman umano ang binubuo ni Duavit kasama si Speaker Romualdez upang matulungan ang mga magsasaka na mayroong maliliit na lupa, partikular ang mga Agrarian Reform Beneficiaries, upang makatulong ang mga ito sa pagpaparami ng produksyon ng pagkain sa bansa.