Calendar

Mga taga-EMBO panalo
MASARAP lang isipin na kahit ang matagal na bangayan ay puwede rin palang matapos sa matinong usapan dahil kung gusto, mayroon namang paraan.
Kahit nga sa simpleng away-barangay lang, ang unang payo ng mga Kabesa ay mag-usap muna na kadalasan ay humahantong naman sa maayos na areguluhan.
Tulad na lang ng sigalot sa pagitan ng Makati at Taguig na kahit may desisyon na ang Korte Suprema ay tumagal pa rin ang bangayan sa pinag-aagawang EMBO Barangays.
Lalu pa ngang uminit ang isyu nang maudlot ang benepisyo ng mga residente ng EMBO nang ipasara ng Makati City ang mga pasilidad gaya ng paaralan, ospital, health centers, at maging ang parke na naghahatid ng serbisyo sa publiko.
Nagliwanag lang ang mainit na usapin nang magwagi sa halalan sa Makati si Mayor Nancy Binay na kaagad nagpahayag na bukas siyang makipag-usap kay Mayor Lani Cayetano, lalu na’t matagal na rin namang ito ang ninanais ng maybahay ni Senator Alan Peter Cayetano.
Tingnan mo nga naman ang magandang nangyayari kapag ibinaba ang pride. Sa panahon kasi ni Mayor Abby Binay, mas pinili niya ang power play, gamit ang legal na hakbang, na ang naaapektuhan ay ang serbisyo ng mga residente ng EMBO barangays gayung simula’t sapul ay sinasabi na ni Mayor Lani na bukas siya sa dayalogo.
Pero gaya nga ng kasabihan, past is past, lalu na’t ibinasura na rin naman ng Court of Appeals (CA) ang hirit ni Mayor Abby na kailangan pa raw ang writ of execution bago ipatupad ang pagsasalin ng hurisdiksiyon ng EMBO barangays sa Taguig.
Kita nyo na. pawede naman palang magtulungan, pwede naman palang idaan sa usapan. Kung ito na ang simula ng maayos na relasyon sa pagitan ng dalawang lungsod, magandang balita ito dahil hindi pulitiko ang panalo rito, kundi ang mga taga-EMBO.
Mga recidivist na holdaper, hindi na dapat makapag-piyansa
KAMAKAILAN ay nadakip nina Malabon City Police Chief Col. Jay Baybayan ang dalawang holdaper na ang mga binibiktima ay mga Indian nationals matapos lumaban ang pinakahuli nilang biktima na nakuhanan ng CCTV.
Binaril ng mga suspek ang Indian national pero sa kabila ng tama sa kaliwang braso, nanlaban ang mas malaking dayuhan kaya nagpasiyang tumakbong patakas ang mga holdaper.
Lumabas sa rekord ng pulisya na may mga nakabimbin na ring kaso ng panghoholdap sa mga dayuhan ang mga nadakip pero dahil bailable offense ang kanilang ginagawang krimen, nakakapag-piyansa para muling gumawa ng kabuktutan.
Nais nga ng pulisya na hilingin sa hukuman na huwag ng payagang makapaglagak ng piyansa ang dalawa dahil kapuwa sila recidivist at banta sa seguridad ng publiko at mga dayuhan.
Minsan na rin kasing nangyari sa Lungsod ng Maynila na hindi na makakaulit pa ang isang kriminal na gumawa ng krimen dahil tuluyan na silang pinatatahimik ng kapulisan. Nangyari yan noong ang Manila Police District (MPD) ay dating Western Police District (WPD) kaya nga tumiklop noon ang mga holdaper, snatchers at iba pang kriminal
Kahit malinaw na ilegal ito sa ilalim ng umiiral na batas, nagdulot naman ito ng kapanatagan ng loob ng maraming pamilyang Manilenyo.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com