Bitrics1

Mga tetestigo laban kay VP Sara lumobo sa 57

Mar Rodriguez Jun 16, 2026
27 Views

MAS lalo pang lumobo ang bilang ng mga taong nakahandang tumestigo laban kay Vice President Sara Z. Duterte kaugnay sa nalalapit na impeachment trial nito sa Senado, ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.

Pinalaki ng House prosecution panel ang listahan ng mga posibleng sasaksi laban kay Duterte mula 25 patungong 57 sa darating na impeachment trial nito sa Senado upang matiyak na ang lahat ng kaugnay na ebidensya ay maihaharap sa Senate impeachment court.

“Naging napaka-ingat namin sa panuntunan na ang mga saksi at mga ebidensya na hindi namarkahan o naiharap noong pre-trial ay hindi na pwedeng iharap sa mismong paglilitis. Ibig sabihin, nagsigurado na kami,” sabi ni Luistro.

Nabatid din kay Luistro na isinama ng prosekusyon panel ang lahat ng posibleng saksi at dokumentaryong ebidensya na maaaring may kaugnayan sa apat na Articles of Impeachment sa pre-trial brief na isumite nito noong Lunes.

Bagamat tumangging magsalita ang kongresista ukol sa mga ulat ng mga diumano’y bagong ebidensya laban kay Duterte. Gayunman, kinumpirma ni Luistro na pinalawanig na ng panel ang pinal na listahan ng mga posibleng saksi.

“Tungkol sa bilang ng mga saksi, ang pinal na bilang ay 57,” ani Luistro.

Nauna nang ipinahiwatig ng prosekusyon na naghahanda sila ng humigit-kumulang 25 saksi. Sinabi ni Luistro na lumaki ang listahan matapos piliin ng mga piskal na isama ang bawat saksi at piraso ng ebidensya na posibleng iharap sa paglilitis.

“Kaya isinama namin ang bawat piraso ng ebidensya na alam namin may relevance whatsoever dito sa impeachment, Articles of Impeachment,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag ni Luistro na ipinagbabawal sa mga alituntunin ng impeachment ang paghaharap ng mga saksi at ebidensya na hindi natukoy at namarkahan sa panahon ng mga pagdinig sa pre-trial.

“Hindi pwede. Bawal ang surprise witnesses. That is why lahat ng ebidensya dapat mamarkahan during pre-trial,” pahayag ni Luistro.