Calendar

Mga tiwali sa Zoning Department, kakalusin ni Yorme sa kanyang pag-upo
SISILIPIN ni Manila Mayor-elect Isko Moreno Domagaso ang mga reklamo ng umano’y kaso ng katiwalian sa Zoning Department ng Manila City Hall.
Ayon sa alkalde, hindi na niya mabilang sa dami ang mga natatanggap na reklamo kaya’t hindi na puwedeng palagpasin sa oras na maupo na siya bilang Ama ng Lungsod.
Kinakailangan ng mga nagpapatayo ng bahay o establisimiento ang pagkuha ng zoning clearance upang matiyak na ang itatayong istraktura ay naaayon sa batas tulad ng wastong paggamit ng lupa, tamang distansiya mula sa kalsada at kalapit na ari-arian at iba pang zoning restrictions.
Dito nakakasilip ng paraan ang mga tiwaling kawani o opisyal sa naturang departamento upang pahirapan at hingan ng kotong ang mga kumukuha ng building permit.
Ayon kay Yorme Isko, isa sa natanggap niyang nakakalungkot na reklamo ang paghingi aniya ng P300,000 sa isang nagpapagawa ng bahay para sa 30 metro-kuwadradong lupa kapalit ng zoning permit.
Meron pa aniyang insidente na umutang ng kalahating milyon sa PAG-IBIG ang isang magtatayo ng bahay sa 60 metro-kuwadradong lupa pero nang kumuha ng zoning permit, hinihingan siya ng P500,000 ng empleyado.
Isang alyas “Marlon” ang nababanggit rin sa reklamo na nagpapahirap sa mga kumukuha ng zoning permit at sumisingil ng napakataas na presyo kahit may naiprisinta ng blue print.
Sinabi ng alkalde na nakakaawa aniya ang mga biktima ng ganitong uri ng korapsiyon, lalu na ang nalaman niyang pangyayari na nagwala na sa harap ng zoning department ang isang matanda dahil sa labis na hirap sa pagpapabalik-balik sa tanggapan.
”This is a perennial complaint, there must be something to look into, eh basta, mga nanay, tatay, ko, mga negosyante, huwag kayong mag-alala, “KAKALUSIN” ko po lahat yang mga nang-api sa inyo sa zoning, kasi nakakasira yan ng negoyo eh,” pagtiyak ng alkalde.