Edd Reyes

Mga ulo gugulong sa pag-eskapo ni Alice Guo

Edd Reyes Aug 21, 2024
81 Views

BIHIRANG makitang magalit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at kahit hindi mapigil ang pangngingitngit, malumanay pa rin ang pagbibitiw ng pananalita na pagpapamalas ng isang tunay na statesman.

Nasaksihan ito ng mamamayan nang panindigan niya na hindi bibigay ang Pilipinas sa gitna ng paggamit ng puwersa ng China sa pangha-harass, paninira, at pagkuha ng mga armas ng mga sundalong Pilipino sa resupply mission sa Ayungin Shoal, dalawang buwan na nakakaraan.

At ngayon, dito naman sa nangyaring paglabas ng bansa ng nasibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, halata sa inilabas na pahayag ng Pangulong BBM ang kanyang galit at nagbanta na may mga ulong gugulong lalu na sa mga tumulong, umasiste, o gumawa ng hakbang para hindi mapuna ang pag-eskapo palabas ng bansa ng dating alkalde.

Ang kalatas na inilabas ng Pangulo ay nataon pa sa pagdiriwang ng ika-65 taong kaarawan ng kanyang maybahay na si First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos.

Sabi pa ng Pangulo, ibubulgar nila ang pangalan ng mga tulisan na sangkot sa pagkakanulo sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng taumbayan at nagpahina sa sistema ng hudikatura sa bansa.

Karaniwan kasi, hindi na ibinubulgar sa publiko ang tunay na pangalan ng mga taong nasasakote ng awtoridad na sangkot sa krimen o iba pang ilegal na aktibidad, kahit pa nga umamin sa kasalanan, hangga’t hindi napapatunayan sa hukuman ang kanilang pagkakasala.

Pero dito sa nangyaring paglabas ng bansa ni Guo, siniguro ng Pangulong BBM na ibubulgar ang kanilang mga pangalan dahil wala raw puwang sa pamahalaan ang sinumang opisyal na mas inuuna pa ang kanilang pang-sariling interes kesa pagsilbihan ng may dangal, integridad at katarungan ang mamamayang Pilipino.

Alam naman natin ang matandang kasabihan na ang utos ng hari, hindi mababali, kaya tiyak na maigting ang gagawing pagkilos ng Department of Justice upang matukoy ang mga taong gobyerno na may kinalaman sa paglabas ng bansa ni Guo.

Aklat ni VP Sara, umani ng isang katerbang reaksiyon

UMANI ng negatibong reaksiyon sa mga netizens ang librong “Isang Kaibigan” na inakda ni Vice President Sara Duterte matapos ang mainitan nilang sagutan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senate finance committee sa hinihinging budget ng tanggapan ng Bise Presidente para sa taong 2025.

Marami ang nakapuna sa huling pahina ng aklat kung saan nakabalandra ang larawan ng Bise Presidente na nagpapakilala sa kanya bilang isang tunay na kaibigan.

Sa inilabas namang artiulo ng Inquirer.net, 16 na may kulay na pahina ang libro, pero walo lang pala ang pumupuno sa istorya ng pagkakaibigan na gagastusan ng P10 milyon sa pagpapalimbag para ipamamahagi sa mga batang mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Tanong pa ng mga netizens, bakit kailangan na humugot sa pondo ng bayan na halagang P10 milyon para sa paglilimbag ng aklat ni VP Sara na ipamamahagi sa mga batang mag-aaral?

May nagsabi naman na pagpapakilala ito ng bise presidente sa pagtakbo bilang Pangulo sa taong 2028, gamit pa ang pondo ng bayan, kahit pa nga sinabi ni VP Sara na wala sa plano niya ang tumakbong Pangulo.

Siyempre, hindi naman ito kinagat ng mga netizens dahil ganito rin daw ang sinabi ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang himuking tumakbo bilang pangulo.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].