Calendar

MIAA handang sugpuin ‘lagayan’ issue sa NAIA
BINE-verify ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga ulat hinggil sa limang miyembro ng Airport Police Department (APD) na umano’y tumatanggap ng “lagay” mula sa mga taxi driver kapalit ng hindi awtorisadong pagpasok sa mga pick-up area ng pasahero sa airport.
Tiniyak ni MIAA General Manager Eric Jose Ines ang masusi at patas na imbestigasyon hinggil sa alingasngas alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na sugpuin ang lahat ng katiwalian at pang-aabuso sa sistema ng transportasyon ng bansa.
Inalis na sa puwesto ang limang personnel ng APD na pinangalanan sa paunang ulat habang isinasagawa ang imbestigasyong administratibo.
Bagama’t mabigat ang mga paratang, pinaninindigan ng MIAA ang tiwala nito sa hanay ng APD na tapat at masigasig sa kanilang tungkuling maglingkod nang may integridad.
Nakikipagtulungan din ang MIAA sa Land Transportation Office (LTO) upang beripikahin ang mga ulat ng kahina-hinalang ticket violations na umano’y ibinibigay sa mga taxi driver sa paliparan.
Layunin ng pagsusuring ito na matukoy kung lehitimo ang mga citation o ginamit lamang upang pilitin ang mga driver sa iligal na kasunduan.
Magpapatupad ang MIAA ng mas mahigpit na internal policies alinsunod sa mga regulasyon ng Civil Service Commission.
Ang sinumang mapapatunayang lumabag ay papatawan ng kaukulang parusang administratibo, kabilang ang multa o posibleng pagkatanggal sa serbisyo, batay sa umiiral na batas at mga alituntunin