Calendar
Michael Yang, iba pang hindi sisipot sa drug probe ipaaaresto—Barbers
HINDI umano magdadalawang-isip na maglabas ng warrant of arrest ang House Committee on Dangerous Drugs laban sa dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang at iba pa kung hindi dadalo ang mga ito sa pagdinig kaugnay ng nakumpiskang P3.6 bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.
Ito ang sinabi ng chairperson ng komite na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers isang araw bago ang pagdinig.
“Kapag hindi sila umattend, isa lang ang mangyayari. We will issue a show-cause order and if they refuse and ignore the show-cause order, we have no other recourse but to issue a warrant against them,” ani Barbers sa isang pulong balitaan sa Kamara de Representantes.
Si Yang ay mayroon umanong kaugnayan sa pagmamay-ari ng warehouse kung saan dinala ang P3.6 bilyong halaga ng shabu.
“Yung iba kasing naimbitahan namin, limang beses na namin inimbitahan at ngayon ay sila ay subject of arrest. And hopefully, ‘yung ating PNP, PDEA at yung NBI, madala sila bukas sa aming hearing, which will make it more exciting,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon kay Barbers nagpadala ng imbitasyon ang komite kina Yang at iba pang resource person kasama ang interpreter nito na si Lincoln Ong.
“Pero yung mga bago naming inimbita, ngayon hopefully sila ay mag-appear. Hindi pa naman namin sila inaakusahan. Ang aming panawagan sa kanila ay pumunta sila, mag-attend sila ng hearing, magbigay linaw doon sa issue na kung saan kinasasangkutan ng kanilang kumpanya o kinasasangkutan nila dun sa usapin ng droga,” paliwanag ni Barbers.
“Wala pa kaming inaakusahan. At kapag hindi sila umattend, siguro mayroong maco-conclude yung ating mga kasamahan. Meron tayong kasabihan, ‘flight is indicative of guilt.’ Pagka ganun, baka magiba yung committee report at baka doon patungo ‘yung aming susulatin na committee report,” ayon pa sa chairman ng komite.
Si Yang ay nasangkot din sa P8 bilyong Pharmally Pharmaceutical scandal kaugnay ng pagbili ng overpriced na medical supplies noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Nadiskubre ng house panel na si Ong, ang interpreter ni Ang, ay ang incorporator ng Empire 999 na siyang nagmamay-ari ng warehouse kung daan nasamsam ang P3.6 bilyong halaga ng shabu.
“In-invite namin si Mr. Yang upon the motion of Congressman Dan Fernandez at Congressman Caraps Paduano, dahil sa rason na may mga na-discover kami na mga kumpanya na nirehistro na kasama dito yung mga incorporators nung Empire 999,” ayon kay Barbers..
“Ang aming theory ay nagkakaroon ng mga shell companies na ino-organize and they intertwine. Ibig sabihin, yung incorporator sa company A ganun din yung incorporator sa B, sa C, sa D, sa E, hanggang sa nakita natin na mayroong pattern,” dagdag pa ng kongresista.
“Dahil dito sa pagtatanong ng ating mga kasamahan sa komite, nanawagan na magkaroon ng imbitasyon doon sa mga mga incorporators ng mga kumpanyang ito, kasama diyan si Mr. Lincoln Ong and si Mr. Michael Yang,” ayon kay Barbers.