Mima

‘Middleman’ sa pagpaslang kay Mima Alicia arestado

Alfred Dalizon Jul 31, 2026
54 Views

NAARESTO na ang pinaghihinalaang “middleman” sa pagpatay sa pro-Marcos Jr. vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata sa Caloocan City noong Hulyo 17.

Ayon sa impormasyong nakalap ng Journal Group nitong Biyernes, umamin na rin umano ang suspek at nagbigay ng mahahalagang detalye tungkol sa kaso na nagresulta sa pagkakaaresto ng ilan pang mga suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang naturang suspek.

Hindi bababa sa anim na suspek ang natukoy na ng mga awtoridad at sinampahan na ng kaukulang kaso sa tanggapan ng lokal na piskal kaugnay ng pagpatay kay “Mima Alicia.”

Sa isinagawang ballistics cross-matching examination ng PNP Forensics Group, napag-alamang ang kalibre .45 na pistola na narekober mula sa naarestong hinihinalang gunman ang siya ring armas na pinagmulan ng mga basyong natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr., isa sa mga anggulong kanilang sinisiyasat ay ang umano’y P8 milyong pagkakautang na posibleng naging motibo sa pagpatay sa vlogger.

Sinabi rin ng hepe ng PNP na kabilang sa mga kinasuhan ang isang negosyante at isa pang kasosyo sa negosyo ni Lipata. Samantala, patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang mga pinaniniwalaang utak sa krimen hanggang sa oras ng paglalathala.

Noong Hulyo 23, naaresto ng mga operatiba ng PNP ang hinihinalang gunman at ang driver ng motorsiklong ginamit sa pagtakas matapos ang pamamaril sa vlogger.

Kinilala ang dalawang suspek bilang alyas “MS,” 58-anyos, na itinuturong bumaril kay Lipata gamit ang isang pistola, at alyas “J.A.,” 48-anyos, residente ng Cavite, na pinaniniwalaang nagmaneho ng motorsiklong ginamit sa pagtakas. Nadakip ang dalawa sa isinagawang manhunt operation sa Mabalacat, Pampanga.

Pinangunahan ng mga tauhan ng Northern Police District sa pamumuno ni Brigadier General Benliner Capili, Police Regional Office 3 sa ilalim ni Brig. Gen. Jess B. Mendez, Caloocan City Police Station sa pamumuno ni Col. Joey Goforth, at ng PNP-CIDG sa pangunguna ni Major Gen. Robert Alexander A. Morico II ang pagtugis sa dalawang suspek matapos ang masusing imbestigasyon at follow-up operation na isinagawa batay sa impormasyong ibinigay ng mga testigo.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang hand grenade, isang kalibre .45 na pistola, at isang kalibre 9mm na pistola.

Nabatid ng Special Investigation Task Group (SITG) Mima, sa isinagawang backtracking ng mga CCTV footage sa lugar, na naroon na ang mga suspek sa pinangyarihan ng krimen at tila minamanmanan na ang biktima. Nakita silang nasa lugar may 15 hanggang 20 minuto bago dumating si Lipata.

Sinuri rin ng SITG Alicia ang lahat ng posibleng anggulo at motibo sa pagpatay at masusing ineksamin ang lahat ng CCTV footage mula sa crime scene at mga kalapit na lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Iniimbestigahan din ng SITG ang mga nakaraang personal na relasyon ng nasawing vlogger bilang bahagi ng kanilang masusing imbestigasyon.

Si Alicia ay kilalang masugid na tagasuporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bago siya pinaslang. Dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang responsable sa pag-atake na ikinasugat din ng partner ng biktima.