Mindanao posibleng maging susunod na Boracay — Hataman

Mar Rodriguez Jun 7, 2022
190 Views

NANINIWALA ang isang kongresista na posibleng maging susunod na “Boracay” ang Mindanao dahil sa kaaya-aya at malinis na dagat dito kagaya ng mga pangunahing “beach resorts” sa bansa. Sakaling maisakatuparan ang plano ni incoming Tourism Sec. Christina Frasco na buksan ang Mindanao sa turismo.

Sinabi ni House Deputy Speaker for Mindanao at Basilan Rep. Mujiv Hataman na ang “Malamawi Beach” ang isa sa pinakamagandang beach sa buong Pilipinas na ipinagmamalaki ng Mindanao.

Dahil dito, ipinagmalaki ni Hataman na hindi malayong sa mga susunod na panahon ay maging pangalawang “Boracay” na rin ang Mindanao o maging pangunahing “tourist destination”. Hindi lamang para sa mga lokal na turista kundi maging sa mga dayuhang turista.

Binigyang diin ni Hataman na wala ng dapat ikatakot ang mamamayan sa Mindanao. Sapagkat unti-unti ng naiwawaksi ang dating masamang imahe ng lalawigan dahil sa sunod-sunod na kaguluhan. Dulot ng paghahasik ng kaguluhan ng mga bandidong grupo.

Sinabi din ng mambabatas na mula noong 2016 ay “zero-kidnapping” na sa Mindanao. Nangangahulugan lamang ito na tuluyan ng napuksa ng mga security forces ang mga bandidong grupong nagpapasimula nito katulad ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Dahil dito, naniniwala ang kongresista na kapag nagtuloy-tuloy ang magandang reputasyon ng Mindanao na malayo sa dati nitong imahe. Hindi malayong dadayuhin narin ng mga turista ang Mindanao dahil sa nawala na ang takot ng mamamayan sa kanilang lalawigan.