MMDA Source: File photo

MMDA hinimok: Bilisan, ayusin, linisin pagpapatupad ng NCAP

25 Views

HINIMOK ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ayusin at pabilisin ang pagpapatupad ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP), kasunod ng pagbabalik ng programa matapos i-lift ng Korte Suprema ang temporary restraining order.

Ayon kay Escudero, nananatiling may agam-agam ang publiko—lalo na ang mga motorista—sa patas na pagpapatupad ng NCAP, partikular sa proseso ng pagpapadala ng Notice of Violation (NOV) kung saan dapat aniyang repasuhin Ng mabuti at Hindi dapat mapang aping istilo.

“Lumalabas na matagal ang buong proseso at via snail mail pa ang pagpapadala ng NOVs. Maaaring pag dumating na ang NOV ay hindi na matandaan ng motorista ang umanong violation,” ani Escudero. “Ang dapat dito ay araw lang ang bilang—mas mabilis, mas maganda.”

Sa kasalukuyang sistema, ang mga paglabag na naitala ng mga traffic camera ay nire-review muna at iniaayon sa talaan ng sasakyan sa Land Transportation Office (LTO). Pagkatapos nito, ipinapadala ang naka-print na NOV sa address ng may-ari.

Ngunit iginiit ni Escudero na ang mabagal na sistemang ito ay maaaring mauwi sa mga nalilimutang paglabag, nawawalang abiso, at lumalaking multa at kawalan Ng pagkakataun para makapag protesta sakaling nais mag apela.

Bilang alternatibo, iminungkahi niyang gamitin na rin ng MMDA ang mga digital platform. “MMDA should also utilize emails for motorists if these are available in their system,” aniya.

Bukod sa usapin ng bilis, binigyang-diin din ni Escudero ang kahalagahan ng malinaw na mga palatandaan sa kalsada, gumaganang traffic lights, at maayos na lane markings.

Aniya, ang kawalan ng mga ito ay maaaring magbunga ng hindi makatarungang hulihan.

“Evidence should be clear and as much as possible, indisputable,” giit niya, sabay turing na kailangang pare-pareho ang pagpapatupad ng batas trapiko at walang pinipili.

Nagbabala rin si Escudero na ang hindi malinaw o malabong traffic signs ay maaaring magdulot ng hinalang ang programa ay para lamang kumita ng multa.

“Penalizing motorists based on unclear, confusing, blurred traffic signs would give rise to suspicion that the program is really about monetizing the mistakes of drivers,” babala niya. “Government should not profit from penalties caused by vague traffic directions.”

Ang NCAP ay gumagamit ng automated traffic cameras upang matukoy ang mga paglabag, at tinatanggal ang personal na interaksyon sa pagitan ng motorista at enforcer.

Ayon sa mga tagasuporta, nakatutulong ito upang mabawasan ang korapsyon at mapabuti ang daloy ng trapiko.

Gayunman, binigyang-pansin din ng ilang kritiko ang mga isyu sa due process, maling pagkakakilanlan ng mga lumabag, at ang posibilidad na maparusahan ang may-ari ng sasakyan sa halip na ang aktwal na nagmaneho.

Bilang pagtatapos, iginiit ni Escudero na dapat ang layunin ng NCAP ay disiplina sa kalsada, hindi pagkakakitaan.

“This is primarily about raising the level of road discipline and not raising revenues,” ani Escudero.