Artes1

MMDA inilunsad May Huli Ka 2.0 website

Edd Reyes Jun 16, 2025
17 Views

INILUNSAD ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bago nilang website na magagamit ng mga motorista upang alamin kung may nagawa silang paglabag sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP)

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, ang “May Huli Ka 2.0” ay isang web-based platform na madaling magagamit ng mga motorista upang alamin kung mayroon silang nagawang paglabag sa pamamagitan lang ng pagpasok sa plaka ng kanilang sasakyan o kahit ng conduction sticker number at anong uri ng sasakyan, pati na ng motor vehicle (MV) file number.

Karagdagan lamang aniyang seguridad at proteksiyon ang MV file number upang tanging ang mga may-ari lamang ng sasakyan ang puwedeng sumuri ng kanilang nagawang paglabag sa NCAP.

Makikita rin sa naturang website ang pamamaraang dapat gawin sa pagsusuri sa nagawang paglabag, pati na sa proseso ng pagbabayad, kung saan babayaran, at kung papaano i-aapela ang pagkakahuli sa kanila.

Sinabi ni Artes na upang higit pang mapagbuti, maging madali, at episyente ang paggamit ng website, pina-plano pa nilang palawakin at dagdagan ang iba pang kailangan ilagay dito kabilang ang kaalaman ng detalyadong impormasyon sa nagawang paglabag, tulad ng larawan at video, kung kailan at anong oras, anong uri ng paglabag, magkano ang dapat bayaran at iba pa.

Ilulunsad din ng MMDA ang real-time notification system kabilang na ang SMS at email alerts, pati na ang online access hanggang sa detalye ng nagawang paglabag.

Dumalo sa naturang presentasyon na ginanap sa Communications and Command Center sa punong tanggapan ng MMDA sa Pasig City si Philippine National Police (PNP) chief General Nicolas Torre III, pati na ang mga lider at kinatawan ng mga transport groups, motorcycle ride-hailing firms, at transport network vehicle services.