Revilla1

MMDA inudyok ayusin traffic lights, signs, kupas na guhit, bago mag-focus sa NCAP

21 Views

NANAWAGAN si Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ayusin muna ang mga sirang traffic light, kupas na guhit sa kalsada, at hindi nakikitang traffic signs bago istriktong ipatupad ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa buong Metro Manila.

Ginawa ni Revilla ang pahayag matapos kumalat sa social media ang isang video na nagpapakita ng traffic light sa Abad Santos Avenue sa Maynila na biglang nagbago mula berde patungong pula kahit hindi pa natatapos ang countdown timer. Umani ito ng batikos mula sa publiko at itinuturing na patunay ng mga problema sa trapikong imprastraktura na maaaring magdulot ng hindi makatarungang parusa sa mga motorista.

Tinawag ni Revilla ang mga ganitong insidente bilang “NCAP Traps” o bitag sa mga motorista. Aniya, hindi dapat gamitin ang NCAP bilang pantubo ng kita ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagparusa sa mga drayber na biktima ng sirang traffic system, kundi bilang kasangkapan sa pagpapaunlad ng disiplina sa kalsada.

“Hindi dapat pinarurusahan ang mga drayber dahil sa pagkukulang ng gobyerno. Bago kayo maningil ng multa, tiyakin muna ng MMDA na maayos, malinaw, at gumagana ang mga traffic light, signage, at guhit sa kalsada,” ani Revilla.

Binigyang-diin din niya na ang disiplina sa kalsada ay dapat kasabay ng maayos na imprastraktura. Marami raw motorista ang napapatawan ng multa dahil sa kupas na guhit sa kalsada, nawawalang pedestrian lane, at sirang traffic light na naglilito sa mga drayber.

“Maging patas tayo. Gusto ng mga drayber na sumunod sa batas, pero kung hindi nila makita ang guhit sa daan o nalilinlang sila ng sirang traffic light, hindi ‘yan paglabag kundi bitag,” dagdag pa niya.

Mga Panukala ni Revilla:

Agarang audit ng lahat ng NCAP-monitored areas

Pag-ayos ng mga sirang traffic light

Pagpapalit ng nawawala o lumang traffic signs

Pagre-repaint ng mga critical na road markings gaya ng stop lines, pedestrian lanes, at lane dividers

Pagbuo ng public reporting system upang makapag-ulat ang mga motorista ng sirang pasilidad nang walang takot sa parusa

“Kung layunin ng NCAP ang kaligtasan sa kalsada, magsimula tayo sa kalinawan. Huwag nating hayaan na ang teknolohiya ay maging instrumento ng hindi makatarungang parusa dahil sa kapabayaan sa trapikong pamamahala,” giit ni Revilla.