MMDA

MMDA nagbabala sa pekeng Huli Ka website

Edd Reyes Jun 18, 2025
16 Views

BINALAAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko hinggil sa kumakalat na pekeng website na humihingi ng sensitibong impormasyon sa mga nagnanais alamin kung may nalabag sila sa ipinatutupad ng No Contact Apprehension Police (NCAP).

Ayon sa MMDA, isang phishing website ang kumakalat na “May Huli Ka” na nais lituhin ang publiko, lalu na ang mga motorista, upang makakuha ng sensitibong impormasyon na halos kahalintulad ng inilunsad nilang bagong website na “May Huli Ka 2.0” nito lang araw ng Lunes na magagamit ng mga motorista upang alamin kung mayroon silang nagawang paglabag sa umiiral na NCAP.

Pinayuhan ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang publiko na maging alerto at maging maingat sa paggamit ng mga kahinahinalang website na ang tanging layunin ay makuha ang mga sensitibong impormasyon sa mga taong kanilang mabibiktima.

Magugunita na bago pa man ilunsad ng MMDA ang kanilang web-based platform na “May Huli Ka 2.0”, nauna ng may lumabas na pekeng link na “May Violation Ba” noon pang nakaraang buwan na nakaalarma sa MMDA.

Noon pa man ay naglabas na ng babala ang MMDA sa publiko na iwasan ang pagpo-post at pag-share ng naturang pekeng link na nagdudulot ng kalituhan sa publiko na ang tanging layunin ay humanap lang ng kanilang mabibiktima.