MMDA Source: MMDA

MMDA tanggap pagbawi ng TRO sa no contact policy

Edd Reyes May 20, 2025
20 Views

TANGGAP ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang utos ng Korte Suprema na isantabi ang Temporary Restraining Order (TRO) na pumipigil sa implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) na sinuspinde noong Agosto 30, 2022.

Nauna ng nagsumite noong nakaraang linggo ng Motion for Reconsideration sa Korte Suprema ang MMDA sa pamamagitan ng Solicitor General upang bawiin ang TRO na inilabas ng Mataas na Hukuman upang maging epektibo ang pagtugon nila sa lumalalang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan at mapangalagaan na rin ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrians

Nauna ng sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na magsisimula na ang rehabilitasyon ng EDSA sa Hunyo 13 kaya inaasahang lalong bibigat ang daloy ng trapiko dito.

Ayon pa sa ahensiya, ang pagpapatupad muli ng NCAP magpapalakas sa pamamahala sa daloy ng trapiko sa EDSA at sa iba pang pangunahing lansangan gamit ang closed-circuit television cameras, digital cameras at iba pang teknolohiya na makakapag-rekord sa mga lalabag sa batas trapiko upang ma-isyuhan ng traffic citation ticket ang mga ito.

Umaasa si Artes na magiging daan ang implementasyon ng NCAP upang magkaroon ng disiplina sa pagmamaneho ang mga motorista at tiniyak nila na ang single ticketing system at mga bagong panuntunan sa implementasyon ng NCAP na kinuwestiyon sa petisyon napagtuunan na rin ng pansin.

Nauna ng nilinaw ng Korte Suprema na kaagad magiging epektibo ang implementasyon ng NCAP sa mga pangunahing lansangan, partikular sa EDSA, at C5 Road.

Hindi sakop ng pagbawi sa TRO ang mga lansangang nasa ilalim ng pamamahala ng mga lokal na pamahalaan.