MMDA tinugunan hiling na magkaroon ng lay-by area para sa riders

Edd Reyes Jun 2, 2024
129 Views

TINUGUNAN ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting Chairman Atty. Don Artes ang hiling ng 1-Rider Partylist na magkaroon ng emergency lay-by area na masisilungan ng mga riders kung umuulan.

Kasama ni Artes ang mga kinatawan ng partylist sa pag-iinspeksyon sa motorcycle lay-by sa ilalim ng Quezon Avenue flyover sa Quezon City na isa sa mga masisilungan kung aabutin ng ulan ang sinumang rider.

Kaugnay sa sulat ni Rep. Rodge Gutierrez ng 1-Rider Partylist sa MMDA na nagtatanong kung paano matutulungan ang mga rider kapag umuulan ang hakbang ni Artes.

Ayon kay Artes, target nilang magtayo ng 14 motorcycle lay-bys sa ilalim ng mga flyovers sa EDSA, C5 at Commonwealth Avenue na inaasahang mabubuksan sa publiko sa Hulyo.

“Kami po sa 1-Rider Partylist nagpapasalamat kay Chairman Artes. Dininig niya ang mga hinaing at pangangailangan ng mga riders.

Umaasa po tayo na ang mga kapatid nating riders makikipag-cooperate sa MMDA sa pamamagitan ng pagrespeto sa kanilang traffic enforcers at pagsunod sa batas-trapiko,” sabi ni Bonifacio Bosita, isa sa kinatawan ng 1 Rider.

Samantala, tiniyak ng ride-hailing firm Angkas na magkakaloob sila ng 10 bicycle repair shops na kumpleto ng gamit para sa mga nasisiraan, kasama na ang pang-vulcanize.