MMDA: Tutok kami sa kaso ng opisyal namin

Edd Reyes Apr 1, 2025
23 Views

TINIYAK ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes na tinututukan nila ang insidenteng kinasasangkutan umano ni Gabriel Go, ang hepe ng Special Operations Group-Strike Force.

Sinabi ni Artes na nakipag-usap na sila kay Sen. JV Ejercito upang linawin ang umano’y reklamo ng babaeng traffic enforcer na dumanas umano ng sekswal na panggigipit kay Go na nagresulta sa kanyang pagbibitiw noong Hunyo 2023 subalit muling kinuha ng ahensiya makaraan ang limang buwan.

Sa liham naman na ipinadala ng ahensya sa senador, wala umanong natanggap na pormal at sinumpaang reklamo o kahit anong suportadong dokumento na naipasa sa Committee on Decorum and Investigation (CODI) ng MMDA.

Palagi aniya nilang pinapaalalahanan ang lahat ng kawani na mga public servants sila na dapat i-trato ang lahat ng may respeto at may kagandahang loob, panatiihin ang pinakamataas na pagpapaubaya at habag.

Ayon sa MMDA, tapat at seryosong MMDA enforcer si Go subalit kung nakagawa siya ng pagkakamali, ibibigay sa kanya ang wastong proseso ng batas at kung mapapatunayang nagkasal papatawan ng kaukulang parusa.

Sa aksyon naman ni Go sa clearing operations sa Quezon City, kung saan sinasabing ipinahiya niya ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni Artes sa official statement na pinadalhan na nila ng show cause order si Go kaugnay dito.

Humingi na rin sila ng paumanhin na naging sanhi upang makalikha sila ng abala sa publiko na isa ring daan para matuto ang buong ahensya.

Nakipag-usap na rin aniya sila sa mga matataas na opisyal ng PNP, sa Napolcom at QCPD kaugnay sa isyu at nagkaisa sila na ang isolated na insidente lang ang pangyayari na hindi dapat sumira sa kanilang magandang relasyon sa isa’t-isa at mapanatili ang koordinasyon, respeto at kooperasyon ng mga tanggapan.