CAAP

MOA pinirmahan ng CAAP, Aireon

Jun I Legaspi Jun 27, 2025
456 Views

LUMAGDA sa Memorandum of Understanding (MOU) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Aireon, isang space-based Automatic Dependent Surveillance–Broadcast (ADS-B) services, upang mapahusay ang pagbabantay sa kaligtasan ng himpapawid sa pamamagitan ng makabagong data analytics.

Sa ilalim ng MOA, magkakaloob ang Aireon ng tatlong buwang libreng access sa Aireon Safety Dashboard Platform para sa CAAP, isang web-based analytics tool na tumutulong sa mga Air Navigation Service Providers (ANSPs) na matukoy, subaybayan at suriin ang mga pangunahing risk indicators sa kaligtasan ng kanilang airspace.

Bilang bahagi ng isang taong kooperasyon, susuriin ng CAAP ang kakayahan ng nasabing platform at magbibigay ng technical feedback upang makatulong sa patuloy na pagpapabuti nito.

Kapalit nito, magsasagawa ang Aireon ng mga workshop upang suportahan ang CAAP sa pagpapalakas ng kakayahan nitong matukoy at mamonitor ang mga insidente ng Global Navigation Satellite System (GNSS) interference at mga pangyayaring may kinalaman sa Traffic Collision Avoidance System (TCAS).

Pinagtitibay ng inisyatibong ito ang dedikasyon ng CAAP sa paggamit ng teknolohiyang nakabatay sa datos at sa pagtutugma sa mga pandaigdigang pamantayan sa aviation safety upang matiyak ang kaligtasan ng himpapawid ng Pilipinas.