Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Money trail ng Duterte war on drugs susundan ng House Quad Comm

103 Views
Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez
Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

SUNDAN ang pera, hanapin ang utak.

Ito ang gagamiting diskarte ng House quad committee sa pagpapatuloy ng isinasagawa nitong imbestigasyon sa mga kaso ng extrajudicial killings (EJKs) sa pagpapatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang war on drugs campaign.

Naniniwala ang mga lider ng quad comm na mahahanap ang utak sa pagbibigay ng reward sa mga pulis na nakakapatay ng mga drug suspect sa pamamagitan ng pagtunton sa dinaanan ng pera.

Ayon sa mga co-chair na sina Reps. Bienvenido “Benny” Abante Jr. at Dan Fernandez, ang joint panel ay humihingi ng tulong sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang sundan ang daloy ng pera na may kaugnayan sa mga operasyong ito.

Ang hakbang na ito ay bunsod sa pagsisiwalat ng dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office na si Royina Garma, na nagsabing ang mga cash reward para sa pagsasagawa ng mga EJK ay ipinasok o idinadaan sa bangko.

Si Garma, isang retiradong police colonel na kilalang malapit kay dating Pangulong Duterte, ay nagsiwalat ng reward system na nasa likod ng mga pagpatay at detalyadong inilarawan ang kaugnayan dito nina Duterte at ng kanyang malapit na kaibigan na si Sen. Christopher “Bong” Go.

Ayon kay Abante, “The Quad Comm will leave no stone unturned. Those who profited from the killings must be held accountable, and the AMLC is key to tracking down these illicit transactions that led to the deaths of innocent civilians.”

Sinabi naman ni Fernandez, “The use of financial institutions for illegal activities is a serious crime. We will follow every lead to ensure that those responsible face justice.”

Plano ng quad comm na pormal na hingin ang tulong ng AMLC ngayong linggong ito. Naniniwala ang mga mambabatas na ang financial probe ay magbibigay-liwanag sa buong saklaw ng daloy ng pondo na nasa likod ng marahas na kampanya ni Duterte laban sa droga.

Hinimok din nina Abante at Fernandez ang mga pulis na nakatanggap ng mga cash reward na lumantad.

“Your testimony could be critical to uncovering the truth. This is the time to speak up,” ayon kay Abante, chair ng House committee on human rights.

Tiniyak ni Fernandez, chairperson ng House committee on public order and safety, na bibigyan ng makatarungang pagtrato ang sinumang lalantad at makikipagtulungan sa panel.

“We are giving those involved a chance to help clear the air and ensure justice is served,” saad pa nito.

Iginiit ng mga lider ng quad comm na ipagpapatuloy ang imbestigasyon at binigyang diin na walang sinuman ang nakatataas sa batas at ang lahat ng sangkot ay papanagutin.

Ang pinansyal na imbestigasyon ay isang pangunahing hakbang sa pagsusuri ng komite sa libu-libong pagkamatay sa panahon ng kampanya ni Duterte laban sa droga.

Sa pamamagitan ng pagtukoy sa pinagmulan ng mga pondo at pagkilala sa mga tumanggap, layunin ng quad comm na ilantad ang mga financial network sa likod ng mga EJK, na posibleng magbunyag ng mga pangunahing indibidwal na nakinabang mula sa EJK.

Ang masusing pagsusuri sa daloy ng pondo ay maaaring mag-ugnay sa mga mataas na opisyal sa mga operasyong ito, na naglalantad ng kabuuang saklaw ng pananagutan sa drug war ng nakalipas na administrasyon