Calendar
Monster ship banta sa mga PH mangingisda — JV
MARIING kinondena ni Senator JV Ejercito ang muling pagpasok ng Chinese Coast Guard (CCG) vessel 5901, na tinaguriang “Monster Ship,” sa teritoryal na katubigan ng Pilipinas.
Muling sumiklab ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa insidenteng ito, na itinuturing na isang tahasang paglabag sa soberanya ng bansa at sa pandaigdigang batas.
Ang barkong ito, na tinatayang apat na beses ang laki ng BRP Cabra, ay namataan sa layong 97 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Inilarawan ni Senator Ejercito ang insidente bilang isang direktang banta sa karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryong saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ).
“Taliwas sa palusot ng China na ito’y isang ‘routine patrolling,’ ang kanilang presensya sa ating katubigan ay isang malinaw na paglabag sa international maritime laws, tulad ng 2016 Hague ruling,” ani Ejercito, na tinutukoy ang desisyong nagpawalang-bisa sa malawakang pag-angkin ng China sa South China Sea.
Sa kanyang pahayag, sinabi rin ng senador na ang presensya ng CCG 5901, na kanyang tinawag na “The Monster,” ay bahagi ng estratehiya ng China upang takutin ang mga Pilipinong mangingisda sa sarili nilang karagatan.
“This massive vessel, four times the size of our BRP Cabra, is a blatant display of force intended to intimidate our fishermen and challenge our sovereignty,” aniya, binibigyang-diin ang malubhang epekto nito sa seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga pamayanang umaasa sa pangingisda.
Nagbabala rin si Ejercito kaugnay sa natuklasang China-made submersible drone na malapit sa San Pascual, Masbate, na posibleng may layunin para sa pagmamanman o operasyong militar.
“Dagdag pa rito ang pagkakatuklas sa China-made submersible drone malapit sa San Pascual, Masbate, na posibleng gamitin sa pagmamanman o military purposes,” sabi niya, sabay panawagan sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangan para sa modernisasyon ng Philippine Coast Guard at Armed Forces upang maitaguyod ang minimum credible defense posture ng bansa.
“Now more than ever, our Coast Guard and Armed Forces need modern ships, advanced technology, and other tools to effectively defend our sovereignty and secure our waters,” pahayag niya, na idinagdag ang kahalagahan ng teknolohiya sa pagtugon sa mga banta sa teritoryo ng bansa.
Hinimok din niya ang gobyerno na palakasin ang multilateral agreements tulad ng Mutual Defense Treaty, at ipagpatuloy ang joint patrols sa WPS. “We must prioritize diplomacy and collaboration with allies to ensure our security while remaining vigilant against actions that threaten our sovereignty,” dagdag pa ni Ejercito.
Binigyang-pansin din ng senador ang mga Pilipinong mangingisda, na siniguro niyang kaisa ng pamahalaan sa proteksyon ng kanilang mga karapatan sa pangingisda.
“Sa mga kababayan nating mangingisda: Kaisa ninyo kami. Hindi tayo magpapadaig lalo pa’t sa sarili nating katubigan,” aniya, binibigyang-diin na hindi dapat magpadala sa pananakot ng ibang bansa.
Ayon sa ulat, ang pagpasok ng CCG vessel 5901 ay bahagi ng estratehiya ng China upang igiit ang kanilang malawakang pag-angkin sa South China Sea, sa kabila ng 2016 Arbitral Award na nagdeklara sa mga claim na ito bilang iligal.
Patuloy ang panawagan ni Senator Ejercito para sa isang nagkakaisang hakbang upang protektahan ang soberanya ng Pilipinas at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan nito.