Calendar
‘Monster ship’ sa WPS binira ng mga senador
KINONDENA ng mga senador ang muling pagpapadala ng pinakamalaking coast guard vessel ng Tsina, na kilala bilang “The Monster,” sa West Philippine Sea (WPS) at mariing tinutulan ang mga aksyon ng Chinese militia.
Sa magkahiwalay na pahayag, kapwa nanawagan si Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Ejercito Estrada at Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros na dalhin ang isyung ito sa International Court.
Binibigyang-diin ni Estrada ang pangangailangan na iparating sa pandaigdigang komunidad ang paulit-ulit na pagpasok ng mga barko ng Chinese Coast Guard sa karagatang sakop ng Pilipinas.
“Makailang ulit ko ng sinabi, nasa panig natin ang mga legal na batayan para ipaglaban ang ating karapatan,” ani Estrada, na tumutukoy sa 2016 Arbitral Award na inilabas ng Permanent Court of Arbitration (PCA). Pinagtibay ng naturang desisyon ang soberanyang karapatan ng Pilipinas sa mga katubigan sa loob ng WPS.
Binanggit din ni Estrada ang pagkakaisa ng Senado laban sa mga aksyon ng Tsina, at inalala ang Senate Resolution No. 79 na pinagtibay noong Agosto 1, 2023, kung saan kinondena ang panliligalig sa mga mangingisdang Pilipino at ang mga pagpasok ng barko ng Tsina sa WPS.
“We need a proactive, united, and sustained approach to protect our rights and ensure the safety and security of our people,” ani Estrada. Binigyang-diin niya na hindi dapat magpasindak ang Pilipinas sa anumang uri ng pananakot o pamimilit sa pagtatanggol ng soberanya nito.
Samantala, mariing binatikos ni Senator Hontiveros ang mga aksyon ng Tsina. Aniya, “China is not starting the year right. Instead of keeping the peace in the region, she has chosen to create more disturbance.”
Hinikayat ni Hontiveros ang administrasyon na gumawa ng mas matitinding hakbang sa legal na paraan.
“As I insisted before, Malacañang should start filing new cases before an international court. Beijing’s ships will only keep coming back if we do not take appropriate measures,” ani Hontiveros. Hinimok din niya ang pagpapalakas ng alyansa sa ibang mga bansa upang magsagawa ng joint patrols sa karagatang sakop ng Pilipinas. “Together, let us show China that no ‘monster’ ship can scare us,” dagdag pa niya.
Ang China Coast Guard (CCG) 5901, na tinaguriang “The Monster,” ang pinakamalaking coast guard vessel sa buong mundo. Nauna na itong nakita malapit sa mga pinag-aagawang lugar sa WPS, kabilang ang El Nido, Palawan, at Ayungin Shoal. Ang presensya nito ay nakikitang bahagi ng estratehiya ng Tsina upang igiit ang kanilang mga pag-aangkin sa South China Sea, sa kabila ng 2016 Arbitral Award na nagdedeklarang labag sa batas ang mga pag-aangking ito.
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard na ang naturang barko ay huling namataan humigit-kumulang 97 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Patuloy na iginigiit ng gobyerno ang mga karapatan nito sa EEZ at nananawagan sa Tsina na itigil ang mga ilegal na aktibidad, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa pandaigdigang batas.