MWP

Most wanted rape suspek ng NPD huli sa Caloocan

Edd Reyes Jan 16, 2025
11 Views

TIMBOG ang 49-anyos na kabilang sa Most Wanted Person ng Northern Police District (NPD) nang matunton sa kanyang tirahan ng mga pulis Miyerkules ng hapon sa Caloocan City.

Tinangka pang isarang muli ni alyas “Paul” ang pintuan ng tinutuluyang bahay sa Kaagapay Road, Brgy. 188 nang matunugang mga pulis ang kumakatok at pinagbuksan niya ng pinto pero nabigo na siya dahil naging alisto ang mga tauhan ni P/Col. Edcille Canals, ang bagong upong hepe g Caloocan City Police.

Iprinisinta kaagad ng mga operatiba ng Sub-Station-14 ng Caloocan police kay alyas Paul ang warrant of arrest na inilabas nito lang Lunes, Enero 13, 2025, ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rose Sharon Santiago Cordero-Abila ng Branch 129 dahil sa kasong paglabag sa Article 266-A ng Revised Penal Code o Rape.

Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang paglaya ni alyas Paul na ngayon ay naka-detine sa Tala Police Sub-Station-14 habang hinihintay pa ang paglalabas ng kautusan ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail.

Pinuri naman ni NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan ang mga operatiba ng Caloocan police sa mabilis na pagkakadakip sa akusado na aniya ay patunay sa kanilang pangako na dakpin ang mga wanted na kriminal upang mapanatili ang katahimikan at maging ligtas sa anumang panganib ng bawa’t komunidad.