PCG Ang nasunog na motorsiklo ng PCG member matapos bumangga sa dalawang sasakyan sa Roxas Blvd., Ermita, Manila.

Motor sumalpok sa 2 sasakyan, sunog, PCG member-rider sugatan

Jon-jon Reyes Jun 2, 2025
24 Views

SUGATAN ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang bumangga ang motorsiklo niya sa dalawang sasakyan sa Roxas Boulevard malapit sa United Nations Avenue, Ermita, Manila noong Linggo.

Nakilala ang sugatang PCG member na si John Mark Ordoñes, naka-assign sa Coastguard Education Training and Doctrine Command.

Sa ulat ni Police Executive Master Sergeant Jun Jun Jasminez ng Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS) sa pamumuno ni Police Major Jaime Gonzales Jr., bandang alas-11:45 ng gabi naganap ang insidente.

Sa imbestigasyon ni Police Staff Sergeant Jeffrey Matados, sakay ng motorsiklo si Ordoñes ng bumangga sa kanang bahagi ng Toyota Innova na bumangga naman sa Mitsubishi Xpander. Nasunog ang motorsiklo ng biktima dahil sa pagbangga.

Isinugod si Ordoñes sa Manila Doctors Hospital para malapatan ng lunas.