Calendar
Ang naarestong mga suspek na may kinalaman sa ilegal na droga habang nakamasid sina MPD Chief PBGen. Arnold Santiago at PLt. Col. Rommel Anicete, hepe ng Baseco Police Station 13 sa Port Area, Manila.
MPD dinampot 2 lalaki, 2 babae na nakuhanan ng mahigit P.1M shabu
UMABOT sa mahigit P100,000 na shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa apat na indibidwal, kabilang ang 2 babae, sa Port Area at Sampaloc, Manila noong Sabado.
Unang natimbog ng mga operatiba ng Baseco Police Station 13 ang suspek na si alyas Negi, 36, binata, residente ng Block 1 Aplaya, Baseco compound, Port Area, Maynila.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, bandang alas-8:10 ng gabi ng ikasa nina PLt. Mark Jason Ramos ang anti-illegal drugs buy-bust sa tabi ng Department of Public Works and Highways sa 8th St. kanto ng Bonifacio Drive, Port Area, Maynila.
Nagresulta ito sa pag-aresto sa suspek at pagkumpiska ng P500 note na ginamit bilang buy-bust money. Nakumpiska rin ang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 6.32 grams at may halaga na P42,840.
Swak din ang lalaki at 2 bebot sa buy-bust ng mga pulis ng MPD Sampaloc Police Station 4 sa Luzon corner Bohol St., Brgy. 561, Zone 55, Sampaloc, Maynila.
Kinilala ni PLt. Col. R A Guardaya ang mga suspek na sina alyas Archie, 46, hinihinalang miyembro ng gang at residente ng No. 920 Bohol St., Brgy. 561, Sampaloc, Maynila; Mary Grace, 50; at Nikki, 38.
Sila ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at matapos masamsam sa kanila ang 11 gramo ng shabu.
Bandang alas-11:50 ng gabi nang malambat ang mga suspek.
Batay sa nabanggit ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Sampaloc Police Station, sa pamumuno ni PCpt. Renmar Clifford Raval sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. R A Guardaya, station commander, nagsagawa ng buy-bust ang mga pulis na nagresulta sa pag-aresto sa mga nabanggit na suspek at sa pagkakasamsam ng 11 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na P74,800.
Nakuha rin sa kanila ang 1 P500 bill at 1 itim na pitaka.
Dahil dito ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal ngunit pinili nilang manahimik.
Inihahanda na ang reklamo para sa mga nadakip dahil sa paglabag sa RA 9165 na isusumite sa City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.
