Calendar
MPIO: Pag ‘di regular event dapat may permit dating policy na
NILINAW ng Manila Public Information Office (MPIO) na re-issue lang ang inilabas na kautusan ng City Legal Office hinggil sa pagkuha ng special permit sa mga idaraos na event sa mga malls at iba pang establisimyento ang ordinansang ipinasa noon pang 2013.
Ang pahayag ni Atty. Princess Abante, hepe ng MPIO, bunsod ng inilabas na opisyal na pahayag ng Partido Federal ng Pilipinas-Manila Chapter na tumutuligsa sa administrasyon ni Mayor Honey Lacuna hinggil sa inilabas na kautusan ng kanyang City Legal Officer.
Nakasaad sa pahayag ng partido na panghihimasok at paninikil sa kalayaan ng mamamayan na magsagawa ng pagtitipon at iba pang pribado at pampublikong kaganapan ang naturang memorandum labag umano sa Konstitusyon.
Ayon pa kay Atty. Abante, may probisyon sa umiiral na Ordinance No. 8331 na ipinasa noong Oktubre, 2013 na pinagbatayan ng inilabas na memorandum ng City Legal Office.
Ayon dito, inaatasan ang mga establisimiento na kumuha ng special permit sa mga aktibidad o kaganapan na wala sa kanilang regular o dati ng ginagawa na nakabatay sa kanilang business permits.
Kung ang kaganapan o aktibidad aniya na gaganapin sa mall o establisimiento dati na nilang ginagawa at sakop ng kanilang business permit, hindi na kinakailangan pang kumuha ng special permit.
“I haven’t verified if PFP since walang signatory. But nothing in the memo states that it requires a special permit for birthdays, baptisms, and the like as states sa statement nila.
Again–use of establishments for usual and regular use for which their business permit were not covered,” paglilinaw ni Atty. Abante.
Nabigyan ng kulay-pulitika ang inilabas na memorandum ng City Legal Office matapos na may ilang kaganapan at aktibidad na dinaluhan si dating Mayor Isko Moreno sa SM Manila na dinagsa ng napakaraming tao.